Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Ang pagmamahal ng isang ama

0 82

Ngayong buwan ay sine-celebrate natin ang Father’s Day. Bagama’t matagal nang wala sa amin si Daddy, palagi pa rin siyang nasa isip ko at puso, kahit hindi buwan ng Hunyo.

Minahal niya ang mommy, at kaming magkakapatid nang buong-buo at walang kondisyon. Sa likod ng kanyang matinding pag-aaral bilang isang abogado, malambot ang puso niya sa aming magkakapatid. Sinuportahan niya ako na ibigay ang 100% ko sa lahat ng pinipili kong gawin. Siguro, sa kanya ko rin nakuha ang aking paninindigan para sa tama at totoo.

Pero pinaka-naalala ko siguro ang pagiging daddy ng aking ama noong mamatay ang aking asawang si Frank, dahil kinailangan ko ring tumayong ama sa aking mga anak.

Isa ring napakabuting ama ni Frank. Malapit siya sa aming mga anak. Sa amin kasing dalawa, pakiramdam ko ako yung mas mahigpit pagdating sa pagdidisiplina sa mga bata. Good provider si Frank. Kahit na noong una sapat lang ang aming kinikita mag-asawa para sa pangangailangan ng mga bata, alam kong kaya niyang magsakripisyo kung kinakailangan kung may biglaang gastos sa mga anak namin.

Dahil sa mga nakita at naranasan kong pagsasakripisyo at pag-aalaga ng dalawang dakilang ama sa aking buhay, hindi naging imposible ang maging ama’t ina sa aking apat na mga anak. Sapat na ang mga natutunan ko sa kanila at pagiging ehemplo para ipagpatuloy ang buhay bilang solo mother.

Ngayong Father’s day, alalahanin natin ang mga tatay at nagsisilbing tatay sa ating mga buhay. Sa mga patalastas, pelikula, at ilang babasahin, palaging ang pagmamahal ng isang ina ang napapag-usapan at binibigyang-pansin. Sa tingin ko dapat mawala na yung ganito, dahil hindi kailan man kompetisyon ang pagmamahal ng mga magulang sa kanilang anak. Magkaiba man ang paraan ng pagpapakita nina tatay at nanay ng pagmamahal sa atin, hindi ibig sabihin nito ay higit ang sa isa.

Kaya kina tatay, ama, daddy, papa, itay, kasama ang lahat ng nagsisilbing ama at nagpapaka-ama, saludo ako sa inyong lahat. Sa mga tatay na walang sawang dumidiskarte para maitaguyod ang pamilya, sa mga ama na naiiwan sa bahay para mag-asikaso ng tahanan, at sa mga tatay na kailangang magtrabaho malayo sa pamilya para sa kanilang magandang kinabukasan, ang amin pong pagpupugay sa inyo! Deserve ninyo ang pagmamahal, pag-aalaga at pagsasakripisyo na inyo ring ibinibigay.

Ang aking Daddy at si Frank ay magkaibang tao, pero iisa at pareho ang laman ng kanilang mga puso: ang walang-hanggang pagmamahal sa kanilang mga anak na mananatili sa mundong ito kahit na sila ay nasa kabilang-buhay na.

Muli, happy father’s day po sa inyong lahat.

Leave A Reply

Your email address will not be published.