Una sa Balita

Ang paglilipat ng Araw ng Kalayaan

By
0 320

Hindi man siguro ‘lubos’, may dahilan pa rin naman para ngumiti at magpasalamat ang mga Pinoy sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa Hunyo 12.

Malamang kabilang sa mga masaya sa okasyong ito ay ang mga mag-aaral na nagsimula na ang klase nitong Lunes pero wala na agad pasok kinabukasan.

Dahil wala namang pasok at nakatutok lang malamang sa Facebook ang marami sa atin, baka puwedeng samantalahin ang pagkakataon na silipin ang mga kasaysayan ng pakikipaglaban ng ating mga ninuno para maging malaya tayo sa kamay ng mga dayuhan.

Isipin niyo na lang, kung mahigit 300 taon tayong nasa kontrol ng Kastila at ang lifespan ng tao noon ay nasa 80 taon, aba’y apat na salinlahi ng isang angkan bago nila nalasap ang kalayaan mula sa mga Kastila.

Ibig sabihin, kung ngayon nangyari ito at bata ka, hindi sa panahon mo, o sa panahon ng magiging anak mo, o sa panahon ng magiging apo mo, kundi marahil sa panahon ng magiging apo mo sa tuhod mangyayari ang kasarinlan.

Hindi pa kasama diyan ang mga taon na sinakop naman tayo ng Amerika matapos tayong makawala sa Espanya.

Kaya hindi biro at dapat talagang ipagpasalamat ng ating henerasyon ang tinatamasa nating kalayaan sa ngayon, lalo pa’t wala tayong kinakaharap na seryosong banta nang pagsalakay mula sa ibang bansa; at wala ring pandaigdigang digmaan na nagaganap na baka tayo madamay gaya ng World War I [1914-1918] at World War II [1939-1945].

Pero para sa dagdag na kaalaman ng iba, da­ting ipinagdiriwang mga tsong ang Independence Day sa bansa tuwing July 4. Dikta ito ng Amerika, na siyang araw nang kilalanin nila ang kala­yaan ng Pilipinas noong July 4, 1946. Alam niyo naman siguro na ilang taon din tayong sinakop ng Amerika matapos na lumaya tayo sa kamay ng mga Kastila.

Tumagal ang July 4 celebration ng Independence Day hanggang 1962, ang taon nang magpalabas ng Proclamation No. 28, noong 1962 si noo’y Pangulong Dios­dado Macapagal para ilipat ang selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa June 12, ito ang araw nang magdeklara ang kinikilalang unang pangulo ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo nang kalayaan laban sa mga Kastila.

Ginawa ni Aguinaldo ang naturang deklaras­yon sa kanyang bahay sa Kawit, Cavite noong June 12, 1898.

Ang paglipat ng Araw ng Kalayaan sa June 12 ay ginawa ring batas sa pamamagitan ng Republic Act No. 4166, kung saan nakapaloob din na ang July 4 ay magsisilbi namang Republic Day.

Kinalaunan, nagpalabas ng Presidential Proclamation No. 2346, s. 1984 si dating Pangulong Ferdinand Marcos para ipagdiwang sa July 4 Philippine–American Friendship Day.

Pero maliban sa Araw ng Kalayaan, sa June 12 rin ginugunita ang pagtatapos ng Araw ng Watawat o National Flag Day na nagsisimula ng Mayo 28.

Unang ginunita ang Araw ng Watawat tuwing Mayo 28 sa bisa ng Presidential Proclamation No. 374 noong 1965. Pero mula sa isang araw na selebrasyon, pinalawig ang Flag Day mula May 28 hanggang June 12 sa bisa ng Executive Order No. 179 noong 1994. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”