Una sa Balita

Ang pagbabaluktot sa batas

0 461

Sa darating na Lunes, Pebrero 24, tatlong taon na sa bilangguan si Senadora Leila de Lima. Ang pagkakapiit ni Sen. Leila ng tatlong mahabang taon ay batay lamang sa testimonya ng mga kilalang drug lord na kasalukuyang nakakulong sa Bilibid. Iligal na droga daw ang kanyang sala, pero sa loob ng tatlong taong paglilitis walang kahit katiting na droga ang naiprisinta bilang ebidensiya laban sa kanya.

Walang anumang ebidensiya, maliban sa kuwento ng mga convicted na drug lord, ang naiprisinta laban sa kanya, ngunit tatlong taon na siyang nababawian ng kanyang kalayaan.

Ang kaso ni Sen. Leila ay isa sa mga pinakauna at pinakamatingkad na halimbawa ng paggamit ng mga proseso ng batas at mekanismo ng hudikatura, hindi para itaguyod ang kataru­ngan at ipagtanggol ang mamamayan, kundi para ipitin ang mga kritiko ng pamahalaan. Sa isang artikulong isinulat mismo ni Sen. Leila, binansagan niya itong “lawfare” – kombinasyon ng salitang law at warfare, batas at digmaan – ang pagbaluktot ng batas para magamit na sandata laban sa mga taong hindi gusto ng kasalukuyang administrasyon.

Hindi naman bago ang ganitong klaseng kalakaran, kung saan ginagamit ng nasa poder ang batas para durugin ang mga tinuturing niyang kaaway sa politika. Noong madidilim na araw ng Martial Law ni Marcos, mismong Saligang Batas ay pinalitan para bigyan ng ligal na kapangyarihan ang diktador na hawakan ang lahat ng aspeto ng pamamahala, at sa ganoon, magamit ito sa paghabol at pag-ipit sa lahat ng mga tumututol sa kanyang pamumuno. Binigyan ang Pangulo ng kapangyarihan na ipahuli at ipakulong sinuman na kanyang gusto, at lagpas pa rito, baguhin ang batas kapag tingin niyang kinakailangan.

Sa kasulukuyang panahon, hindi (pa) nagbabago ang ating Saligang Batas. Meron pang mga pormal na limi­tasyon sa kapangyarihan ng Pangulo. Pero ang tanong, sa kabila ng mga ito, talaga bang nababantayan ang pang-aabuso sa kapangyarihan?

Bukod kay Sen. Leila, ilang kritiko na ba at kabangga sa politika ng kasalukuyang administrasyon ang naging biktima ng “lawfare?”

Tandaan natin, ang dating punong hukom ng Korte Suprema ay napatanggal batay sa pagkilos ng abogado ng Pangulo. Si Senador Antonio Trillanes, isang pangunahing pumupuna sa administrasyon ay kasalukuyang humaharap ng patong-patong na kaso, kasama na ang pagbawi sa amnesty na matagal na niyang tinanggap. Kamakailan lang lumabas ang resolusyon sa kasong isinampa ng PNP-CIDG sa Pangalawang Pangulo, ilang senador, at mga kandidato ng oposisyon noong 2019. At kasalukuyang nakasampa naman ang kaso laban sa ABS-CBN, ang pa­ngunahing estasyon ng telebisyon sa bansa para ito ay tuluyan nang isara.

Sa lahat ng halimbawang ito, malinaw na napakanipis ng basehan at ebidensiya, pero patuloy pa ring sinisimulan at pinapatakbo ang mga kaso para pahirapan, takutin, at gipitin ang mga hindi gusto ng pamahalaan. Lalo lang itong nakadadagdag sa patuloy na pagkawala ng tiwala ng marami sa ating mga kababayan sa ating batas at sistemang ligal. Dahil malinaw na malinaw, na ang batas ay hindi kasangkapan para sa hustisya para sa lahat, kundi sandata ng nasa poder laban sa kanilang mga kinakalaban.

Hindi natin maaring palagpasin ang nangyayaring ito. Kailangan tayong kumilos para maitama ang paggamit sa batas.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More