Una sa Balita

Ang pagbabalik ng tiwala sa sangkatauhan

0 533

Hindi lahat ng tao ay mapagsamantala. Kung anong pagkadismaya at kalungkutan na aking nadama tungkol sa mga kababayan natin na na­ging mapagsamantala at mapanlinlang na isinulat ko nu’ng nakaraang linggo, nag-uumapaw naman ngayon ang ­aking damdamin sa kabi-kabilang balita ng bayanihan at pag-tutulungan ng mga kababayan natin sa harap ng sakuna at mapanganib na panahon.

Nagkaroon ng pagkakataon ang marami upang ipahayag nila ang kanilang pagtulong sa mga nasalanta ng pagputok ng Bulkang Taal. Maaaring maliliit na bagay kung titingnan, ngunit sa panahon ng pagdudusa at pighati, nagiging malaking bagay ang anumang aksyon para makatulong lalo na at walang inaasahang kapalit.

Ang unang balita ng kagandahang loob na ­aking nakita ay tungkol kay Roger Villa ng ­Tanauan City sa ­Batangas kung saan siya ay nagpakita ng inisya­tibo at pagmamalasakit sa kapwa nang siya ay sumampa sa isang ma­taas na van at nagbuga ng tubig sa mga salamin ng mga dumadaang sasakyan. Marahil, sa ginawa ni Villa, maraming mga sasakyan at mga tao ang naiiwas sa panganib na dulot ng maputik na salamin. Alam naman natin ang maaaring mangyari kung ikaw ay magmamaneho na limi­tado ang iyong nakikita habang bumabaybay sa madulas na daanan.

Ang isa pang insidente ng kagandahang-loob na nakita ko sa social media ay ang pamimigay ng libreng pagkain ng isang karinderya sa Bauan, Batangas na nagngangalang M. Castillo Eatery para sa mga lumilikas.

Bukod sa ak­twal na pagkaing walang bayad, ang pamilyang Castillo ay nakapagbigay din ng kaginhawaan at kaalwanan sa mga nagla­lakbay. Alam natin ang hirap sa katawan at sa isipan ang maglakbay ng malayo ng walang katiyakan sa mga ­susunod na mga mangyayari. Kahit sa pana­dalian, naramdaman nila, sa pamamagitan ng pamilyang Castillo, na sila ay hindi nag-iisa at marami ang handang tumulong.

Kagaya rin ng nauang dalawang isinalaysay ko, mayroon din mga nagkawang-gawa na nanahi ng mga maaring gamitin face mask. Sa kabila ng pagsasamantala ng iba na itinaas ang presyo ng mabibiling face mask, may mga taong nagkusang manahi at mamigay nito sa mga apektadong tao. Ang aksyon na ito ay nagbibigay ng bahagyang kapanatagan ukol sa kalusugan ng mga nakatanggap ng mga face mask. Hindi lingid sa kaalaman natin na lubhang delikado na malanghap natin ang abong galing sa pagputok.

Higit akong humanga sa nagpatuloy ng mara­ming tao—na higit kumulang sa 50—sa kanyang tahanan. Ang mga pinatuloy niya ay mga estranghero. Hindi niya inalintana ang magiging epekto sa kanyang bahay ng pagbubukas nito para may matuluyan ang mga walang mapuntahang mga biktima. Sadyang kahanga-hanga.

Marahil ang ilan na may maitim na budhi—kung saan ang kanilang pansariling benepisyo ang laging inuuna—ay binabagabag ng kanilang konsyensya. Maaari ring hindi, sapagkat sila ay sanay na sa kanilang masamang asal.

Ang sigurado ay marami pang mga magagandang kuwento ng kagandahang loob. Ang mga ito ay ang nakakapagbalik ng tiwala sa sangkatauhan. Sana dumami pa sila!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More