Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Ang pag-asenso ng Caramoan

0 62

Ngayong nasa Alert Level 2 na ang maraming lugar sa bansa at medyo maluwag na sa mga restrictions, madami na muli ang nagpaplanong mamasyal at maglakbay. Matapos ang mahigit isang taon ay unti-unting nabubuhay muli ang industriya ng turismo sa bansa.

Isang bayan na umasenso dahil sa turismo ay ang Caramoan Island sa Camarines Sur.

Noon ay napakahirap ng buhay sa Caramoan, Wala gaanong mga sasakyan sa kalye at kakaunti ang mga negosyo. Pangingisda ang karaniwang hanapbuhay. Mga kubo ang makikita mong tirahan ng mga residente. Kalahati ng bilang ng mga gruma-graduate sa elementary ay hindi na nagpapatuloy sa high school dahil sa kahirapan ng buhay.

Maging ang mangarap ay mahirap noon sa Caramoan.

Kung naabutan mong ganito ang Caramoan noon ay hindi mo na ito makikilala ngayon.

Maayos ang mga kalsada at marami ng sasakyan sa kalye. Nag-usbungan ang mga negosyo. Ang mga dating bahay na gawa sa nipa ay matitibay at sementado na. Bukod dito, ang pinakamagandang nangyari ay halos 100 percent na ng elementary students sa isla ay tumutuloy sa pag-aaral at nakakatapos ng high school, kaya naman marami na ang nakapag-college at umunlad ang estado sa buhay.

Nangyari lahat yan dahil nakita ni dating Camarines Sur Governor at ngayon ay Congressman LRay Villafuerte ang potensyal ng Caramoan na maging eco-tourist destination , tulad ng Boracay at Palawan.

Pinaayos at tinayuan ng provincial government sa ilalim ni Gov. LRay ng magandang resort ang Gota Beach sa Caramoan kaya’t unti-unting gumising ang natutulog na islang ito sa Camarines Sur. Pero ang tunay na nakapagpabago sa buhay ng mga taga-Caramoan ay ng mapili ang kanilang bayan na maging lokasyon ng sikat na reality TV show na Survivor. Ilang beses na bumalik ang Survivor show sa Caramoan kaya’t sumikat ang isla at dinagsa ng mga turista. Nakilala ang Caramoan bilang isang “adventure destination.”

Kasabay nito ang pag-asenso ng mga taga-Caramoan. Dumami ang hotels at mga trabaho, at guminhawa ang buhay ng mga nakatira dito.

Hindi lang sa Caramoan huminto si Gov. LRay sa pagpapaunlad ng Camarines Sur bilang isang prime tourist destination. Naitayo ang CamSur Watersports Complex sa bayan ng Pili na pinuntahan din ng maraming turista.

Lalo pang sumikat ang Camarines Sur, na nakilala rin bilang extreme sports destination ng mga atleta at turista. Dito ginawa ang mga Ironman Triathlon sa tatlong magkakasunod na taon, mga international wakeboarding events, marathons, dragon boat races, trail runs, cycling races at iba pa.

Kaya naman noong 2010 ay kinilala ang Camarines Sur bilang No. 1 tourist destination ng bansa–dinaig pa ang Boracay at Cebu.

Isa lamang ang pagpapalakas ng industriya ng turismo sa marami pang magagandang programa ni LRay. Andiyan din ang programa niya para sa kalikasan na kung saan nakapagtanim ng 40 million tree seedlings sa Camarines Sur, at ang disaster risk management program na napakahalaga sa probinsyang ito na laging binabagyo. Bumuo ng mga fully trained quick response teams sa probinsiya para sa agarang pagkilos kapag may kalamidad, may mga nakaantabay na ambulansya at emergency shelters para sa mga nasalanta ng bagyo at baha.

May programa rin ang provincial government na kung saan binibili nila ang inaning palay ng mga magsasaka para hindi sila malugi. Binigyan din sila ng mga hybrid seeds, threshers, at ibang modernong gamit at at pinatayuan ng shallow tube wells. Ngayon ay may pinapatayong isa pang rice processing center sa probinsiya para makatulong sa mga magsasaka na tumaas ang kanilang kita.

Pinagpatuloy lahat at pinabuti pa ni Gov. Migz Villafuerte ang nasimulang magagandang programa ni LRay.

Ang mga best practices sa Camarines Sur na pinatupad ni Gov. LRay at Gov. Migz ay maaring tularan ng ibang mahihirap na munisipalidad para umasenso.

Ngayong unti-unting sumisigla ang industriya ng turismo, maaring gawing modelo ang programang ginawa ni LRay para sa Caramoan. Muling napatunayan ng malaking pagbabago sa Caramoan na gaano man katindi ang mga problema, may LUNAS.

Leave A Reply

Your email address will not be published.