Una sa Balita

Ang pag-angat at pagbagsak ni Bebot

By
0 7,049

NAGWAKAS na ang ma­­liligayang araw ni Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez bilang pinakamataas na pinuno ng Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso matapos siyang patalsikin sa isang kudeta ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Bago pa man ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangu­long Rodrigo Duterte kasabay ng pagbubukas ng 3rd regular session ng 17th Congress kahapon, umugong na ang napipintong pagpapatalsik kay Alvarez dahil sa umano’y mga ka­yabangan, kapalpa­kan at pagiging abusado nito na ikinainis at ikinagalit ng kanyang kaibigan na si Pangulong Rodrigo Duterte at anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

1998 – Nag-umpisa ang pagiging magkaibigan nina Alvarez at noon ay si Davao City Mayor Duterte nang maluklok ang una bilang kinatawan ng Davao del Norte.

2001-2002 – Itinalagang acting secretary ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ng kanyang Boss na si da­ting Pangulong Arroyo na pumalit sa kanyang posisyon ngayon bilang bagong lider ng Kongreso.

2016 – Ibinoto siya ng 251 mambabatas at naitalagang ika-24 na House Speaker ng 17th Congress. Lantaran ang kanyang pagpabor upang gawing malaya o independent ang Mindanao mula sa liderato ng gobyerno. Ibinasura niya ito upang suportahan ang nais ni Pangulong Duterte na pederalismo sa gobyerno.

2017 – Marso nang taong ito nang maging “casualty” ng umano’y pambu-brusko sa Kongreso ni Alvarez ang BFF nitong si Davao del Norte (2nd District) Rep. Antonio “Tony Boy” Floirendo Jr. Kinasuhan niya si Floirendo sa Office of the Ombudsman kaugnay sa maanomalyang joint venture agreement ng Agricultural Development Company sa Bureau of Corrections (BuCor) dahil ginawa umanong plantasyon ng saging ang lupang inupahan ng TADECO sa BUCOR na bahagi ng Davao Penal Colony.

2018 – Enero nang taong ito nang balaan siya ni dating Sen. Aquilino “Nene” Pimentel na walang “forever” sa kapangyarihan. Inakusahan niya si Alvarez na abusado sa kanyang posisyon dahil sa pananakot sa mga mambabatas na aalisan o tatapyasan ng budget ang mga kokontra sa isinusulong na pederalismo ni Pa­ngulong Duterte.

Subalit ang naging mitsa ng pagkakapatalsik ni Alvarez ay nang awayin niya noong Marso ang anak ni Pa­ngulong Duterte na si Mayor Sara.
Idinaan ni Inday Sara sa social media ang mga batikos niya laban kay Alvarez na tinawag niyang “makapal ang mukha” at “asshole” dahil sa akusasyon nito na bahagi siya ng oposisyon. Ibinuking din ng alkalde ang balak ni Alvarez na ipa-impeach si Pangulong Duterte.

July 23 – Sa araw ng SONA ni Pangulong Duterte, nakaupo pa rin si Alvarez sa podium katabi si Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

Ito ang huling araw na naupo siya sa pinakamataas na posisyon ng Kamara dahil sa papalitan na siya ni Arroyo simula nga­yong Martes matapos makuha ang suporta ng 180 kongresista.