Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Ang obra ni Renen Capote ng Calamba, Laguna

0 139

Si Renen Capote ay isang aspiring artist mula sa bayan ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal ang Calamba , Laguna.

Mangingisda ang kanilang ama samantalang ang kanyang ina naman ang naglalako ng mga isda. Ito ang ikinabubuhay ng kanilang magulang na siya nilang kinalakihan.

Bata pa lang ay kinakitaan na siya ng galing sa pagguhit at ito ang naging dahilan kung bakit siya nakatapos ng pag-aaral. Gumradweyt ng technical vocational sa kursong machinist sa Don Bosco College, Canlubang Laguna si Renen. Malayo sa kanyang talento ang kanyang natapos pero ito ang naging trabaho niya hanggang sa kasalukuyan. Mabigat ang kanyang trabaho na maaring makaapekto sa kanyang mga kamay pero hindi niya alintana ito dahil kailangan niyang makatulong sa pamilya.

Sa kasalukuyan ay may sarili na rin pamilya si Renen at may dalawang anak. Habang nagtatrabaho sa isang machine factory shop ay patuloy pa rin sa pagtanggap ng mga commission job sa pagpipinta si Renen. Trabaho sa umaga hanggang hapon at pag-uwi sa gabi ay magsisimula naman siyang magpinta hanggang madaling araw.

Masikap na tao si Renen dahil marami pa siyang pangarap sa buhay at para sa kanyang pamilya. Marami na siyang nasalihan na kompetisyon sa kanilang lungsod at pinalad naman na manalo. Ngayon ay pagsabak sa mga national at international competition ang kanyang pinaghahandaan. Nais niyang makilala bilang isa sa magagaling na pintor sa Pilipinas at sa buong mundo.

Alam niya sa kanyang sarili na marami pa siyang kailangan matutunan at pag-aralan para maabot ang kanyang mga pangarap. Nagpapasalamat siya sa grupo ng Likha (grupo ng mga Artists sa Calamba, Laguna) na kanyang sinalihan na nagturo sa kanya ng maraming bagay para maging mahusay na pintor.

Bilang pintor ay maraming pagkakataon na siya ay nawawalan ng pag-asa dahil na rin sa mga sitwasyon sa buhay na nagpapahina ng kanyang kalooban. Ngunit sa tuwing may magpapagawa at bumibili ng kanyang mga likha ay muli na naman siyang nabubuhayan ng loob. Nais niya sanang maging maging full time artist pero dahil sa hirap ng buhay ay kailangan niyang magdalawa ng trabaho.

Sa panahon ng pandemya ay nagpapasalamat siya na habang anim na buwan na naka lockdown sa kanilang trabaho ay biniyayayaan naman siya ng mga project sa pagpipinta. Laking pasasalamat niya sa Diyos na hindi siya pinabayaan sa panahon ng pandemya. Laking tuwa din niya sa ating column dahil nabigyan pansin natin ang kanyang mga gawa.

Napansin ko ang kanyang mga gawa dahil na rin sa kanyang mga subject na ukol sa mga kaugalian ng mga Pilipino na dapat nating mapakita lalo na sa panahon ngayon.

Isa sa obra niya na aking napansin ay ang pagpapaligo ng isang batang babae sa kanyang lolo. Dito naipapakita kung paano ang isang kabataan na tumatanaw na utang na loob sa kanyang lolo sa pamamagitan ng pag-aalaga sa kanyang pagtanda.

Sa panahon ngayon ay marami sa ating mga matatanda lalo na sa ibang bansa ay hinahayaan na lang manirahan ang mga ito sa mga home for the Aged.

Sa pamamagitan ng obra ni Renen ay kanyang pinapaala sa mga susunod na henerasyon ang magandang kaugalian ng mga Pilipino na dapat natin ipagpatuloy.

Tulad ni Renen at ng iba pang mga artist ay dapat nating pahalagahan ang yaman ng mga biyaya ng talento na kaloob sa atin ng ating Maykapal sa pamamagitan ng pag likha ng mga makabuluhang obra na Nagbibigay paalala sa tradisyon at kultura ng ating bansa. Kaya dapat lang na Pasikatin natin si Renen Capote sa ating bansa at sa buong mundo.

Sa mga nagnanais na magpagawa at bumili ng mga obra ni Renen Capote at maari lamang kayong makipag-ugnayan sa kanyang Facebook account.

Leave A Reply

Your email address will not be published.