Una sa Balita

Ang mito ng unang walong lalawigan

By
0 1,288

Ayon sa itinuro sa atin, ang walong sinag ng araw sa ating bandila ay kumakatawan sa ­unang walong lalawigan na lumaban sa Espanya.

Ayon mismo sa Acta ng ating pagpapahayag ng Independencia na isinulat ni Ambrosio Rianzares Bautista sa Kawit, Cavite noong 12 June 1898, “Ang kanyang walong sinag ay kasingkahulugan ng walong lalawigan na nagpasimuno karaka sa pakikidigma: Maynila, Cavite, Bulakan, Pampanga, Nueva Ecija, Bataan, Laguna at Batangas.”

Sa isang tala mismo ni Heneral Emilio Aguinaldo, ang Ama ng ating Pambansang Bandila, wala ang Bataan pero naroon ang Morong (Rizal).

Nakakalito!

Tapos may panukala pa noon pang Dekada 1980 na dapat may ika-siyam na sinag na kailangang idagdag bilang pagkilala sa mas naunang paglaban ng mga Moro laban sa mga Espanyol.

Paano nauna ang lumaban lamang noong 1896, e mas nauna pa ang mga Muslim? Hindi nga sumuko. Hanggang noong 23 May 2017, nagkaroon pa ng pagdinig sa Senado ukol dito. Patuloy na nagagamit sa pulitika.

Kasi naman, kung isasama ang lahat ng lalawigan na lumaban bago ang Himagsikang 1896 aba’y hindi na magkakasya ang sinag ng araw sa ating watawat! Sapagkat liban sa mga Muslim, nariyan din ang Bohol (Tamblot, 1622; Dagohoy, 1744-1829), Samar (Sumuroy, 1649);

Panay (Tapar, 1663), Ilocos (Silang, 1762-1763; Ambaristo, 1807), maging ang Tayabas (de la Cruz, 1841), at marami pang iba, tinatayang 200 pag-aalsa bago ang 1896.

Sabi ng ilan, ang walong sinag naman talaga, tulad nang binabanggit sa Acta, ay ang unang walong lalawigan na nag-alsa noong Himagsikang 1896 lamang.

Ang pagpapatunay nito ay ang pagdeklara ng Batas Militar noong 30 August 1896 ni Gobernador Heneral Ramon Blanco Erenas sa walong lalawigan na ito: Maynila, Cavite, Bulakan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Laguna at Batangas.

Wala pala kapwa ang Bataan at Morong ngunit naroon ang Tarlac.

Ngunit kung susuriin ang mga naganap, bagama’t tunay ngang sa Maynila at Cavite pumutok ang Himagsikan noong August 1896, ang ibang sinasabing ‘nauna’ raw ay ni hindi pa nagsisimula.

Ayon sa resear­cher ng National Historical Commission of the Philippines na si Ian Alfonso, sa Nueva Ecija puputok lamang ito matapos ang ilang araw 2 September 1896 (Gapan), sa Bulacan naman mga September 1896 (Masucol, Paombong);

at sa Pampanga, 4 June 1898 (Bacolor) pa! Gayundin nakita ko rin na sa Batangas ay nagsimula lamang ito 12 October 1896 (Talisay), sa Laguna noong 15-16 November 1896 (Sambat, Pagsanjan), at sa Tarlac naman ay 24 January 1897 (La Paz) pa!

Samakatuwid, ang tinutukoy na walong lalawigan sa mga sinag ng ating bandila ay hindi ang unang walong lalawigan na lumaban sa Espanya.

Isa itong mito.

Hindi rin ito ang unang walong lalawigan na nanguna sa Himagsikang Pilipino noong August 1896.

Ang walong sinag ay kumakatawan lamang sa walong lalawigan na isinailalim sa Batas Militar sa hinalang umabot na ang Katipunan sa mga lalawigang ito.

Hindi kailangan ng ika-siyam na sinag. Pagbabaluktot ito ng Kasaysayan.

Gayunpaman, kung tutuusin kahit na wala ang ika-siyam na sinag, ang mga Muslim at naroroon sa ating watawat.

Liban sa ang isa sa mga bituwin ay kumakatawan na sa Min­danao, ayon pa sa talumpati ni Aguinaldo, ang araw ng watwat ay kumakatawan sa “the light which brightens ­every spot in the Philippine islands, and under its influence the Itas, Igorots, Manguians and Moros, all of whom I believe were made in the image of God, and whom I recognize as our brethren….”