Una sa Balita

Ang mga biktima ng Maguindanao massacre

0 347

May naisulat na ako noon tungkol sa panga­ngailangan na bumalik sa inquisitorial system sa paglilitis ng kaso para hindi na maulit ang panunuya sa sistema ng hustisya na nangyari sa pagdinig ng mga kaso ng mga biktima ng Maguindanao massacre. Bilang paggunita natin sa ika-10 taon ng masaker, payagan niyo akong ibahagi ang kuwento ng ilan sa mga biktima nito.

18-taong gulang noon si Erlyn nang ang kanyang live-in partner na si Mac-Mac Areola na nagtatrabaho sa UNTV ay mabilang sa mga minasaker. Ang masaker na iyon ay itinuturing na ‘most murderous attack against journalists’. 34 sa 58 biktima ay mga mamamahayag.

Kapapanganak pa lamang ni Erlyn kay Japed noong panahon na iyon. 10-anyos na siya nga­yon. Siyam na taon nang tinatanong ni Japed ang kanyang ina kung bakit tuwing sumasapit ang ika-23 ng Nobyembre ay nagsasayang pa siya ng panahon na lumuwas ng Maynila samantalang alam naman niya na hindi mapaparusahan ang mga taong sangkot sa pagkamatay ng kanyang ama.

Iyak lamang ang laging sagot ni Erlyn sa paulit-ulit na pagtatanong ng anak niya. Umaasa siya na ito na ang magiging huling pagtatanong sa kanya ni Japed.

Tulad ng iba pang naulilang asawa ng mga biktima, matagal nang naghihintay si Erlyn na makakuha ng hustisya. Mag-isa niyang itinaguyod ang anak niya. Ganito rin ang karanasan ng iba pa na aming kinakatawan na sina Monette Salaysay, Noemi Parcon, Myrna Reb­lando, Zenaida Duhay, Ma. Cipriana Gatcha­lian, Glenna Legarts, Arlyn Lopogan, Mary Jean Marisco, Maura Montano, Francisco Subang, at Ivy Cadagdagon.

Si Bong Reblando ay isang regular na empleyado ng Manila Bulletin. Siya lamang ang nagtatrabaho noon na full-time na mamamahayag. Ang huling artikulong naisulat niya ay ang laban ni Pacquiao. Iyon ang banner story ng Manila Bulletin bago mangyari ang masaker. Sa kagustuhan niyang magsulat ng artikulo tungkol sa pormal na pag-file ni Toto Ma­ngudadatu ng certificate of candidacy bilang gobernador noong 2009, nakasama siya sa mga namasaker. Ang buong akala ni Bong, ayon sa asawa niyang si Myrna, hindi nanga­nganib ang buhay niya dahil magaan naman ang loob ng pamilya ng Ampatuan sa kanya. Ngunit nagkamali siya. Hindi namili ang mga baril at bala na pumutok noong araw na iyon. Dumanas ng malalang depresyon si Myrna at umapela ng asylum sa ibang bansa dahil sa matinding takot.

Registered nurse si Ma. Reynafe Momay-Castillo. Nag-migrate siya sa Wisconsin dahil isa ang ama niya na si Robert ‘Bebot’ Momay, mamamahayag ng Midland Review sa Tacurong, Sultan Kudarat, sa mga napatay. Hindi nahanap ang bangkay niya ngunit ayon sa mga salaysay ng mga tao, kasama siya sa grupo ng mamamahayag na napatay rin.

Kasama rin sa mga naulila ang mga inang sina Catherine Nunez at Juliet Evardo. Ang mga anak nilang sina Victor at Julito ay mamamahayag ng UNTV. UNTV lamang ang may civil claim for damages dahil ang sasakyan nila ay isa sa mga nahukay kasama ng mga labi ng mga biktima.

Sina Sugar at Stephanie ay ang mga nauli­lang anak nina Eduardo at Cecille Lechonsito. Nagkataon na nakatayo sila sa lugar kung saan hinarang ang convoy ni Toto Mangundadatu. Papunta ang mag-asawa noon sa Cotabato City para magpagamot. Batay sa nakitang bahid ng sperm sa kanyang katawan, ginahasa pa si Cecille bago siya pinatay.

Lahat ng mga nauna kong ibinahagi ay mga biktima. Si Jessie ay hindi. Isa siya sa mga namaril. Walong taong gulang pa lamang siya nang hikayatin siya na sumama sa private army ng mga Ampatuan. Isa siya sa mga tauhang pinagkakatiwalaan nila noon. Si Datu kanor Ampatuan, na hanggang ngayon ay hindi pa nahuhuli, ang kanyang direktang pinagsilbihan. Sinubukan namin siyang iharap sa media matapos na tumanggi ang Department of Justice na tanggapin siya sa Witness Protection Program. Ilang religious sects ang panandaliang nagbigay sa kanya ng proteksyon. Pero isang araw ay sinugod ng mga armadong grupo ang mga seminar­yong kanyang pinagtataguan. Totoo na binigyan din siya ng proteksyon ng grupo ng Magdalo kahit sa maigsing panahon lamang. Dahil hindi niya kinayang mabuhay na nagtatago at natatakot, nagdesisyon siya na umuwi sa Maguindanao pagkatapos ng anim na buwan. Pinaslang siya noong ikalawang araw ng pagbabalik niya. ‘Di tulad ng 58 biktima ng Maguindanao massacre na mabibigyan na ng hatol ang pagkakapaslang sa ika-20 ng Disyembre 2019, ang pagkamatay ni Jessie ay hindi na magkakamit ng hustiya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy