Una sa Balita

Ang mga bata sa Marawi sa panahon ng rehabilitasyon at transisyon sa Bangsamoro

0 328

KALIHIM NATIN

Isa sa kadalasang nakakaligtaang sektor, tuwing may sigalot at kaguluhan saan man, ay ang mga batang paslit at ang kanilang mga pangunahing pa­ngangailangan.

Noong Miyerkoles, tumuon tayo ng panahon sa mga batang taga-Marawi. Sa isang gawain, katuwang ang Office of the Cabinet Secretary at ang MovEd Foundation, Kaayo Modern Mindanao at Philippine Muslim Women Council (PMWC) kasama si Bai Norhata Alonto, nakadaupang-palad natin ang mga batang mag-aaral sa Harat Medina Elementary School, Bliss Lilod a Madaya, Marawi City.

Habang ipinamamahagi namin ang aming bitbit na school supplies sa kanila, aninag pa rin sa kanilang mukha ang mga pinagdaanang hirap malampasan lamang ang dagok ng sigalot na dala ng mga tero­ristang Maute sa mura nilang gulang at kamuwangan.

Sa likod ng pagsusumikap naming maiangat ang kanilang pananaw at iwaksi ang mapait na alaala ng pagkakakubkob sa kanilang lungsod, batid namin ang lalim ng kailangang abutin mailigtas lamang ang mga ito sa tanikala ng masamang bangungot na nangyari sa Marawi.

Nagsilbi itong paalala sa aming mga tauhan ng gobyerno hinggil sa laki ng trabahong kailangan naming gawin para sa nasabing lungsod at sa lalawigan ng Lanao del Sur.

Gayunpaman, hindi tumitigil ang pamahalaan sa pagpapabilis ng mga interbensyon at hakbang upang mapanumbalik ang dating sigla ng Marawi City at ng mamamayan nito. Batid din natin na kailangan ng mas malalim pang mga paraan, matiyak lamang na hindi na mapagtatangkaan ng karahasan ang maa­lamat na lungsod at maging ang iba pang mga pook sa Mindanao.

Mula sa pagsasabatas ng RA 11054 (Bangsamoro Organic Law) hanggang sa pagtatag ng Bangsamoro Transition Authority katuwang ang mga li­der ng ating mga kapatid na Muslim sa Mindanao, kailangan ding maipairal ang norma­lisasyon at reintegration ng mga armadong hanay na kabilang sa Moro Islamic Liberation Front sa puwersa ng pamahalaan at sa mas malaking lipunan.

Maliban sa mga hakbang na ito, kailangan din nating paglaanan ng makabuluhang alokasyon ang paghubog ng kaisipan at kamala­yan ng mga batang mag-aaral sa nasabing lungsod upang maiwaksi sa kanilang kaisipan ang kultura ng karahasan bilang solusyon sa karaniwang suliranin ng lipunang kanilang ginagalawan.

Mahalaga ang edukasyon sa usaping ito kaya hindi natin ito kakaligtaan. Habang papalapit ang pagtalakay ng Kongreso sa pambansang budget para sa susunod na taon, hayaan ninyong himukin natin ang ating mga katuwang sa pamahalaan na pagsikapang tiyakin na ang edukasyon ng mga batang ito ay hindi mapag-iiwanan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy