Una sa Balita

Ang malaking hamon kay VP Leni

0 426

Sang-ayon ako sa pagtanggap ni VP Leni Robredo sa posisyon na inalok sa kanya ni Presidente Duterte. Parang ‘yung kasabihan sa Ingles na, ‘damned if you do, damned if you don’t’.

Mas maigi na tinanggap niya dahil siguradong ‘di siya tatantanan ng mga kritiko niya. Ngunit gayundin na tinanggap niya ay panay na ang banat sa kanya.

Tulad ni Sen. Bong Go, minamaliit siya dahil sa kanyang diumano’y kahinaan, lalo na’t siya’y isang babae. Kung kaya naman, ipinagyayabang ng senador na kapag ‘di raw niya kayang pumatay ng drug lord ay siya na lang daw ang gagawa.

Pananalita ba ng isang senador ‘yan? Kailan pa naging bastos at ‘di marunong ng maayos na pananalita ang isang opisyal ng bayan na ito?

Sabagay, tila nakakalimot pala ako, ngayong administrasyon nga pala na ito naglipana ang mga opisyales na bastos. Maging ang kalihim ng DFA ay walang pakundangan kung magmura sa social media.

Dapat siguro kay VP Leni, palitan niya ang tawag sa kampan­ya nang matigil ang pagpatay sa mga taong ginagarantiyahan ng saligang batas ng kanilang mga karapatang pantao.

Ang salitang giyera ang tila nagbibigay ng basbas kung bakit walang pakundangan ang pagpatay. Giyera. Siyempre sa giyera may namamatay. At pinapatay ang kaaway. Kaya ‘yan ang justification kung bakit gatilyo at walang hustisya.

Tama lang na papasukin ang mga taga-UNCHR na mag-imbestiga sa mga paglabag ng karapatang pantao. Sila ay impartial, wika nga. Taga-labas, walang asosasyon sa mga biktima maging pamilya ng mga biktima. At dahil tayo ay miyembro ng United Nations ay talagang mayroon sikang karapatan na mag-imbestiga. Gayong nasa nilagdaan ng bansa bilang kasapi ang ipatupad na mga kasunduan ng mga nagkakaisang bansa. Lalo na ang pagtupad sa pagsisiguro na ang karapatan ng bawat tao ay kinikilala at nababantayan.

Dapat maging matigas at huwag magpakita ng paglalambot si VP Leni dahil ibu-bully talaga siya ng mga tao ng Presidente. Kaya naman pati ang hepe ng PDEA ay tila nanghahamon na sumama ang VP sa operasyon para makita diumano ni VP at susukatin kung kaya ng sikmura niya. Mga walang paggalang talaga ang mga ito.

Maging handa dapat ang mahal na VP sa mga bully na mga ito. Siguradong gagawin ng mga kritiko at kakampi ng Pangulo na hindi ito magtagumpay.

Gagawin nila ang lahat para pahiyain at ipakita na siya ay mahina, takot, at hahamuning pumatay.

Kaya dapat maging matibay, matatag, at mapagmatyag si VP. Dahil ‘di siya tatantanan hanggang siya ay mabigo. Ngunit handa ang VP. Handang harapin ang hamon na ito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy