Una sa Balita

Ang lihim ng ‘brown scapular’

By
0 893

Kamakalawa, ipinagdiwang ng simbahan ang Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Bundok del Carmen. Tuwing Hulyo 12 ginugunita ng Iglesia ang paghahandog ni Maria ng brown scapular kay San Simon Stock.

Bukod sa Santo Rosaryo, ang debosyon sa eska­pularyong kayumanggi ay pinaniniwalaang may kakayahang i­ligtas ang sinuman sa apoy ng impiyerno at sa anumang uri ng panganib.

Hulyo 16, 1521 nang nagpakita ang Mahal na Birhen kay San Simon bitbit ang kayumangging tela at nagpahayag na ang sinumang tapat na magsusuot nito ay hindi magtatamo ng walang hanggang apoy ng impiyerno.

Sigurado at maaasahang tanda daw ng kaligtasan sa lahat ng panganib ang handog ng langit sapagkat taglay nito ang pangakong kapayapaan at kaligtasan sa lahat ng tatangkilik.

Apat na raan at siyamnapu’t pitong taon na ngayon ang eskapularyo at ‘di na mabilang ang mga milagro ng tanyag na sakramental — lubos pa rin ang pananalig ng mga deboto sa tinaguriang ‘mantel ng proteksiyon ni Maria’ at ‘tanda ng pagtatalaga ng sarili sa Diyos.’

Mula noon hanggang ngayon, nananatiling sagisag ito ng panga­ngalaga ng Birhen. Ang tapat na pagsusuot ng nito ayon sa simbahan ay paalala na tayo’y sa panig ng Diyos katulad ng Birhen na nagsuko ng buong sarili sa Panginoon.

Totoo bang ‘di maka­raranas ng apoy ng impiyerno ang mga magsusuot ng brown scapular?

Related Posts

Depende sa taong nagsusuot — kung ginagamit lamang ang kayumangging tela ng Birhen bilang ‘anting-anting’ habang patuloy tayo sa ating masasamang ugali at buhay malamang ay hindi natin tanggapin ang mga pangako hinggil sa siguradong katalagahan.

Dapat intindihin na ang eskapularyo ‘per se,’ ay hindi nagbibigay ng kaligtasan! Ito ay pruweba lamang ng ating konsagrasyon sa Mahal na Birhen. Isa itong ‘instrumento’ na daluyan ng biyaya sapagkat ‘requirement’ sa pagsusuot nito ang walambahid na buhay na hinihingi ng lubos na paghahandog ng sarili sa Diyos. Tanang nagsusuot ng brown scapular ay ‘enrolled’ bilang mga mi­yembro ng samahan ng mga deboto sa buong daigdig at patuloy na makatatanggap ng biyaya sa pamamagitan ni Maria at panalangin ng iba pang mga kasapi.

Mahalagang intindihin ang ‘konteksto’ kung paano napasa-kamay ni San Simon ang brown scapular upang maging mas makatuturan ang debosyon para sa atin.

Panahon noon ng kaguluhan at pagkakanya-kanya sa kanyang kinabibila­ngang kongregasyon. Bilang Father General ng nasabing religious group, lumapit siya kay Maria at humingi ng tulong sa ‘Tala ng Karagatan’ sa gitna ng bagyong tinatahak ng kanyang grupo, at hindi nga nabigo ang monghe sa pangako at pagkandili na tinanggap sa Birhen.

Sa wakas ay nais lang po nating idagdag na walang saysay at bisa ang lahat ng ito kung mananatili tayong pa­saway.

Sa walang maliw na pagmamahal ng Diyos sa atin, hangad Niya ang kaligtasan ng tanan, su­balit wala Siyang magagawa kung pagkatapos maibigay lahat ng oportunidad at pribilehiyo, ang ating mga kilos at galaw ay patuloy na maghihimatong na tayo ay para sa impiyerno!

Sa huli, tayo rin mismo ang makapagsasabi kung saan ang ating lugar. Santa Maria, ipanalangin mo kaming makasalanan ngayon at kung kami’y mamamatay. Amen.