Una sa Balita

Ang kwento sa beast mode ni Sandra Cam sa NAIA

By ,
0 2

Blangko ang Malacañang sa kartada ng cabinet post na ibinibida ni Sandra Cam.

Ayon kay presidential spokesperson Ernesto Abella, wala siyang ideya patungkol sa sinasabi ni Cam kaugnay sa magiging posisyon nito sa gabinete.

“(Wala) po akong ba­lita,” tugon ng tagapagsalita ng palasyo nang hingan ng reaksyon ng Abante patungkol sa isyu.

Maging si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ay wala rin umanong impormasyon sa sinasabi ni Cam.

“No idea,” ani Panelo nang hingan ng reaksyon ng Abante sa isyu.

Sa isang lumabas na ulat, sinasabing umeksena sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si Cam nang pumasok sa VIP lounge noong Pebrero 16.

Ang napalathalang kwento, nairita diumano si Cam nang sitahin sa VIP lounge. Bilang protocol ay hiningan ito ng government-issued ID para sa pipirmahang ‘meet and assist form’ dahil sa akalang opisyal ito ng gobyerno.

Dito umano nagsimulang magpaulan ng mabibigat na salita si Cam hanggang sa banggitin pa nito ang pangalan ni Special Assistant to the President Bong Go.

Walang naipakitang ID si Cam kundi isang credit card.

Muling humirit ang dating whistleblower at sinabing wala siyang government ID pero sa loob ng susunod na tatlong buwan ay magiging miyembro na siya ng gabinete.

Lalo umanong sumabog sa galit si Cam nang singilin ng empleyado ng P1,200 fee sa paggamit ng VIP lounge. Libre lamang umano ito kung isa siyang government official.

Sinagot ito ni Cam na kaya siya ineskortan ng mga pulis ay dahil isa siyang ‘high-risk person’.

Base sa incident report na nakuha ng isang kilalang media entity, dito na raw nagsisigaw at napamura si Cam at sinabing kausap niya sa telepono si Bong Go.

Kinuha umano ni Cam ang ID ng dalawang empleyado at kinunan ng picture bago niya ito hinulog sa sahig, ayon sa lumabas na report.