Una sa Balita

Ang kasaysayan ng Pilipinas ay parang EDSA

0 562

Taon-taon ako natatanong sa mga panahong ito hindi lamang tungkol sa EDSA noong 1986, kundi tungkol sa EDSA mismo. Mula 1940, nagkaroon na ito ng iba’t ibang pangalan, mula Avenida 19 de Junio (kaarawan ni José Rizal), Highway 54, at naglaon, sa bisa ng isang batas noong 1959, ipinangalan ito sa iskolar at henyo na si Epifanio de los ­Santos. Hiling ito ng mga kaprobinsya niyang taga-Rizal, kung saan kasama pa noon ang anim na lokal na yunit na dinadaanan nito.

Malaki ang utang na loob ng bayan kay Epifanio de los Santos dahil siya ang personal na nangolekta ng mga dokumento ukol sa Himagsikang Pilipino at sumulat tungkol sa mga bayani nito tulad nina Emilio Aguinaldo, Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Kung hindi dahil sa kanya, nawaglit sana sa ating gunita ang kuwento ng ating pagkabansa. Siyempre masaya kaming mga historyador dahil nakapangalan sa isa sa amin ang pinakaimportanteng kalsada sa buong Pilipinas, pero kamot ulo rin kami dahil namumura siya kapag trapik.

Simula noong 2009, nang una akong matanong ukol dito, lagi kong sinasabi na ang mayroon akong analohiya: Na ang kasaysayan ng Pilipinas ay parang EDSA.

Saan ba ­nagsisimula ang EDSA mula sa Norte? Sa monumento ni Gat Andres Bonifacio sa Caloocan, dahil iyon ang simbolo ng pagkasilang ng ating bansa. Pagdating ng bandang Kampo Aguinaldo at Crame, diyan naganap ang People Power Revolution sa EDSA noong 1986 na pagpapatuloy ng ating pagpupunyagi bilang mamamayan para sa kalayaan at nagbalik ng ating demokrasya. Ngunit ang daan sa pagpapanday ng demokrasya ay mahirap, tulad ng bagal ng trapik sa EDSA. Pero ang ating nais patunguhan ay ang pinakadulo nito: Ang kasaganaan, na sinisimbolo ng SM Mall of Asia. Subalit, kailangang lampasan mo ito upang makabalik ka sa diwa ng ating mga ninuno, ang “maritime culture,” na ­sinisimbolo naman ng dagat sa ­likuran ng MOA.

At ano ba ang nasa pagitan ng paglalakbay? Paghahanap ng kaginhawaan, dahil nagkalat sa kahabaan ng EDSA, sa bawat istasyon ng tren ay mayroong… hahahaha. Mga kainan (So good).

Puwera biro, ang pagsikip ng EDSA ay suma­lamin din sa paglaki ng konsepto ng Kamaynilaan. Bypass o circumferential road lamang dapat ito para maiwasan ang Maynila tulad sa expressway, subalit lumipat sa malapit dito ang mga negosyo, sa Araneta Coliseum sa Cubao at Ayala Triangle, sa pagsikip ng Maynila, lumawak at kumalat ang populasyon hanggang sa ang dating bypass ay nasa gitna na ng isang bagong Metropolitan Manila na nabuo noong 1975. At habang dumarami ang mga mall sa North EDSA, Ortigas at Pasay at patuloy na nagiging importante ang EDSA, patuloy rin itong sumisikip.

Ngunit huwag na­ting kakalimutan na sa kalsadang ito noong 1986, isinilang ang mga banal—Epifanio de los Santos, at ipinakita sa mundo ang mga magagandang katangian ng Pilipino.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More