Una sa Balita

Ang kapansanan ay hindi hadlang sa pag-abot ng mga pangarap

0 279

Isa sa mga ginugunita ngayong buwan ng Disyembre ay ang International Day of Persons with Disabilities (PWDs) upang maisulong ang mga karapatan ng mga taong may kapansanan. Tinatayang 1.4 mil­yong Pilipino ang may kapansanan, ayon sa datos ng Philippine Statistics Office noong 2010.

Ang pagkakaroon ng sapat at malawakang serbisyo ng mga lokal na pamahalaan para sa ating mga kababayang may kapansanan ay kailangan upang mapunan ang kanilang mga pangangailangan. Dapat ay mabigyan sila ng mga oportunidad sa edukasyon, maayos na access sa mga serbis­yong pangkalusugan, at pati na rin sa mga livelihood training at pagnenegosyo.

Kayang abutin ng ating mga kababayang PWD ang kanilang mga pangarap kung ang ating lipunan at ang pamahalaan ay nakaaga­pay sa pag-alalay sa kanila.

Ngayon, higit kailanman, ay kailangan ang bayanihan upang matulungan natin ang ating mga kababayan na maabot ang kanilang mga pangarap.

Sabi nga ni dating Presidente Ramon Magsaysay, “those who have less in life should have more in law.” At ito nga ang puso ng Republic Act 11228 na nagbibigay ng awtomatikong coverage ng PhilHealth sa mga PWD.

Bilang may-akda ng nasabing batas sa Senado, sa aking pananaw, ang ating mga PWD ay nangangailangan ng mas makabuluhang ayuda mula sa ating gobyerno. Hindi naman lingid sa ating lahat ang hirap na dinaranas ng mga kababayan na­ting PWD sa aspeto ng paghahanap ng trabaho, maging sa pagpasok sa paaralan hanggang kung sila ay magkakasakit. Minsan, kahit sa mismong pinagtatrabahuan nila ay nakakaranas pa rin sila ng maraming suliranin.

Ang mga taong may kapansanan ay nahaharap sa dobleng pagsubok kapag nagkakasakit. Mas doble ang hirap kapag ikaw ay may kapansanan na at nagkasakit pa. Ito ay lalo na sa mga PWD nating mga kababayan na mahihirap.

Ang batas na ito ay kaagapay ng isa pang batas na kasama tayong nag-akda, ang Universal Health Care Law sa bansa. Walang dapat maiiwan pagdating sa usapin ng kalusugan. Hindi dapat kinakalimutan at iniiwan sa ere ang mga PWD.

Upang matulungan ang mga ating mga kababayang PWD, ang batas na ito ang magsisiguro na kapag sila ay nagkasakit at naospital, babayaran ng PhilHealth, partial man o kabuuan, ang kanilang mga kinailangang serbis­yong medikal.

Bukod pa dito ay aatasan ang PhilHealth na magkaroon ng mga tinatawag na ‘exclusive packages’ para sa mga PWD kung saan ikokonsidera ang iba pa nilang pangangailangan.

Ang pagtulong sa ating mga kababayang may kapansanan ay isang paraan ng pagkalinga ng ating pamahalaan sa mga nanga­ngailangang sektor ng ating lipunan. Walang iwanan. Lahat tayo ay sama-samang magtulungan sa ikakaunlad ng ating bayan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More