Una sa Balita

Ang kalbaryo ni Juan

0 273

Walang transportation crisis! ‘Yan ang nagkaisang sigaw ng Malacañang at ng Department of Transportation (DoTr).

Naging maingay ang usaping ito bu­nga ng pagkakasunog ng LRT-2 station sa Santolan (Aurora Boulevard). Sob­rang malala ang epekto ng sunog at kinaila­ngang itigil ang buong operation ng LRT-2.

Sinabayan ito ng pagsisimula ng construction ng Skyway extension sa Muntinlupa area ng South Luzon Expressway (SLEX). Nagdulot din ito ng pagtigil ng daloy ng trapiko palabas at papasok ng Metro Manila.

Bago pa man mangyari ang mga ito, nadeklara na ng iba’t ibang mga ahensiya ang Metro Manila bilang isa sa may pinakamalalang daloy ng trapiko sa mundo. Sa pag-aaral pa ng ng Japan International Coopration Agency, umaabot na sa P3.5 bilyon araw-araw ang nawawala sa ekonomiya dahil sa sikip ng trapiko.

Ang Metro Manila ay tirahan ng 12 milyong residente sa loob ng 620 sq km, mas maliit pa sa Davao City o Puerto Princesa. Sa araw, lumulobo ang populasyon sa 15 milyon dahil sa mga taga­labas ng NCR na nagtatrabaho dito.

Literally, Metro Manila is bursting at the seams, ika nga.

250,000 pasahero ang gumagamit ng LRT-2 araw-araw, kasama rito ang mga nanggagaling sa probinsya ng Rizal. Sa pagti­gil ng operation ng LRT-2, lahat ‘yan ay lilipat at makikipagsiksikan sa kaunti nang bilang ng jeep at bus na nagbibiyahe sa kahabaan ng Aurora Boulevard. Ilang jeep at bus ang kailangan para hakutin ang ganyang kalaking bilang ng pasahero? Ayon sa mga balita, tatagal ng 9 na buwan ang pag-aayos ng LRT-2.

Ang SLEX naman ay lagusan ng 370,000 sasakyan araw-araw. Sasakalin naman ang daloy ng mga ito dahil sa construction sa lugar ng Alabang. Ayon sa social media post ng mga taga-south, ang dating isang oras na biyahe ay tumatagal ng 2-3 oras na nga­yon. Ayon naman sa pahayag ng namamahala sa project, aabutin ng 18 buwan para tapusin ang construction.

Ang EDSA naman ay daanan ng higit 400,000 sasakyan araw-araw (regular capacity=300,000 vehicles). Sa gitna nito ay ang madalas magkaaberya na MRT-3 na naghahakot naman ng 600,000 pasahero araw-araw. Sa tuwing may problema sa linya, tumitigil din sa operation ang gamit na gamit na MRT-3, lalo na sa parating na panahon ng Kapaskuhan.

Mula sa norte naman, umaabot sa 284,000 sasakyan ang lumuluwas mula sa North Luzon Expressway. Tinataya naman na may 164,000 sasakyan ang pumapasok sa Metro Manila gamit ang Cavitex (Cavite Expressway).

Tanungin natin si Juan dela Cruz: Wala nga bang transportation crisis?

Puwede pong isulat ang inyong tugon sa ating Facebook page: Good Trip @DZRJ810am.

Alam naman natin ang pagsisikap ng DPWH at ng DoTR para tapusin sa lalong madaling panahon ang mga malalaking project para pabilisin ang daloy ng trapiko: Expressway, highway, tulay, subway, MRT-7, LRT-1 extension atbp Ngunit alam din natin na mahabang panahon ang kailangan bago pa maramdaman ang benepisyo ng mga ito.

Samantala, tiis muna si Juan. Sa loob ng dalawang linggo, darating na ang Undas. Muling masusubok ang kakayanan ng mga transportation & road systems kung kaya nito ang milyon-milyong motorista at pasahero para sa taunang exodus.

May transportation crisis nga ba?

***

Mapapakinggan ang ‘Good Trip’ tuwing Sabado (8-9am) sa DZRJ 810AM radio, at mapapanood din sa Skycable Ch. 224 at sa lahat TV Plus boxes.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy