Una sa Balita

‘Ang kalayaan ay kalayaan sa kahirapan’

0 226

Sa nakaraang paggunita natin sa ika-120 ng a­ting kalayaan, puno pa rin ng pag-asa ang samba­yanang Filipino na ang pagbabagong inaasam at kaginhawahang pinapangarap, ay abot-kamay na lamang.

Ang tunay na diwa ng kalayaan para sa makabagong Filipino ay kalayaan mula sa kahirapan. Sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na maisaayos at mapa­lakas ang ating ekonomiya, tanaw na ang maliwanag na bukas para sa ating kababayan.

Sa isang survey ng Social Weather Station (SWS) na ginawa noong Marso 23-27, lumabas na isa sa tatlong pamilyang Filipino ang nagsabing nakalaya sila sa kahirapan sa unang quarter pa lamang ng taong 2018. Ito ay dulot nang patuloy na pagbibigay ng pamahalaan sa ating mamamayan ng kaukulang serbisyong medikal, pang-edukas­yon at pangkabuha­yan patungo sa pagpapalakas ng kanilang kakayahang makapamuhay sa sariling pamamaraan.

Liban sa layu­ning maalalayan ang ating mga mahihirap na kababayan sa kanilang mga pangangailangan, bahagi rin ng programa ng pamahalaan na bigyan ng pagkakataon ang mamamayan na magkaroon ng pansari­ling kakayahang kanilang magagamit upang makatayo sa kanilang sariling mga paa at makatulong din sa iba.

Ayon nga sa kasabihan, hindi lamang binibigyan ng isda ng pamahalaan ang ating kababayan. Tinuturuan din silang mangisda upang matustusan nila ang pansari­ling pangangailangan.

Sa mensahe ng ating­ Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa Araw ng Kalayaan 2018, sinabi niyang dapat na­ting ipagtangi ang ating kasarinlan at manindigan tayo upang makapaghatid ng isang maliwanag na kinabukasan para sa lahat ng mga Filipino.

Ang diwa ng pagbubuwis ng buhay ng ating mga ba­yani upang mapalaya ang ating bansa mula sa mga mananakop ay patuloy na nabubuhay sa pamamagitan ng atin­g sama-samang pagharap sa kahirapan at nagkakaisang pagkilos upang makaahon mula dito.

Kung sa panahon ng ating mga ninuno ang laban para sa kalayaan ay kalayaan mula sa mga mananakop, sa kasalukuyang panahon, ito ay laban natin para sa kalayaan mula sa kahirapan.

Maraming kababayan natin ang sadlak pa rin sa paghihikahos, subalit pala­ging may hatid na pag-asa ang ating pamahalaan na nananati­ling tapat sa kanyang tungkuling maglingkod sa sambayanan.

Kailangan din nga lamang ang ating pakikiisa at pakikipagtulu­ngan upang maibangon ang ating mga nasasadlak na kababayan.