Una sa Balita

Ang kahulugan ng bata sa Goyo: Ang batang heneral

By
0 165

Mula noong Hul­yo, kami sa DAKILA, kasama ang TBA Studios, ay umikot sa buong Pilipinas upang magsagawa ng mga forum na may kinalaman sa pelikulang “Goyo: Ang Batang Heneral” na katatampukan ni Paulo Avelino. Sa ilan sa mga ito, nakasama namin ang direktor ng pelikula na si Jerrold Tarog tulad din noong ginagawa namin para sa pelikulang “Heneral Luna.” Sa kanyang pagsasalita, may binabanggit siyang ilang tala sa kasaysayan na pinaghugutan ng pinakasentral na mensahe ng kanyang bagong pelikula.

May nabasa siyang sulat ni Apolinario Mabini kay Marcelo H. del Pilar noon pang 29 April 1895. Sinabi niya sa tiyuhin ni Goyo, “With deep sorrow, I am becoming more and more convinced that those who call us children are right.” At dito ko naisip na ang kahulugan ng bata sa pamagat ng pelikula ay hindi lamang dahil heneral si Goyo sa edad na 23 taong gulang, ngunit dahil ang mga Filipino ay tila bata kung makibaka.

At bakit raw bata ang mga Filipino? Pagtutuloy ni Mabini, “…because here, enthusiasm flares up and disappears in a matter of moments; and besides, each new and unexpected event distracts us in such a way that it makes us forget obligations that we have previously contracted… those symptoms are proper of childhood and not of youth which is ever splendid, generous and unselfish.”

Related Posts

Tulad ng marami sa atin, kabilang na ako, mabilis tayong ma­ging masigasig sa mga maliliit na pakikibaka pero hindi natin napagtutuunan ng pansin ang mga mas mahahala­gang bagay. Makikita rin natin ito sa politika sa bansa, at ito rin ang ipinapakita ng pelikula ukol sa batang heneral: Iba-ibang sulat mula sa iba-ibang kababaihan ang natagpuan mula sa kanya. Gayundin, napakadali para sa kanya na tugisin at patayin ang mga hindi kapanalig ng kanyang pangulo.

Mula sa panayam sa kaibigan ni Goyo na si Vicente Enriquez, hinugot ni Jerrold ang kuwento na minsan sa isang ilog sa Dagupan na kanilang pinabantayan sa kanilang mga kawal, kara-karaka silang naligo nina Goyo doon nang hindi nagpapapaalam kahit na kanino. Nang dahil dito sa kapabayaan na ito ay pinaputukan sila ng mga kawal na naghahanap ng mga nakatakas na Espanyol. Doon daw niya unang nakita na natakot si Goyo. Marahil, ayon kay Jerrold, doon lamang niya napagtanto ang isang bagay na malamang hindi niya napahalagahan pero maari palang mawala sa kanya – ang kanyang buhay.

Mula sa mga talang pangkasaysayan na ito, makikita natin na ang pelikulang Goyo ay isang kuwento ng isang bata na naglakbay tungo sa pagi­ging isang ganap na tao. Na sa kanyang kabayanihan sa Tirad Pass, hindi na galit o kapusukan ang nagpapatakbo sa kanyang pakikibaka, kundi ang pagnanais na ialay ang mahal na buhay na nagmumula sa taal na pag-ibig.