Una sa Balita

Ang kahalagahan ng mga kilos protesta

0 346

Harry Roque

Napakaraming bumagabag sa akin nitong mga nakaraang linggo, nagsimula sa pagsiwalat sa katiwalian ng Philippine Health Insu­rance Corporation hanggang sa banggaan ng mga barko sa Recto Bank.

Kaya ganoon na lamang ang naramdaman kong galak sa natunghayan natin na mga pagtitipon at protesta sa Hong Kong.

Noong ika-4 ng Hun­yo, ang anibersaryo ng Tiananmen Square Massacre, tinatayang 180,000 na kataong may baong kandila ang nagtipon sa mga kalsada ng Hong Kong upang alalahanin ang trahedya.

Ito ay isang masalimuot na paksa para sa Pamahalaan ng Tsina dahil mahigpit nitong ipinagbabawal ang kahit anong pagbanggit o pagtalakay sa massacre. Kaya kahanga-hanga ang katapangan ng mga mamamayan ng Hong Kong na dumalo sa okasyon.

Mayroon ding mga protestang idinaos laban sa isang extradition law na isinusulong ng pamahalaan sa Hong Kong na kung maisabatas ay magi­ging legal na paraan upang madala sa Tsina ang mga piling tao upang masakdal doon. Noong ika-9 ng Hunyo, tinatayang nasa 800,000 hanggang isang milyon ang bilang ng mga taong nagprotesta laban sa batas.

Ang lumabas na ba­litang ang mga pagtitipon ay upang suportahan ang nasabing batas ay napatunayang kasinungalingan nang ang pamahalaan ng Hong Kong mismo ang umurong at nagsuspinde ng pagsulong sa batas dahil anila sa matinding pagtutol ng publiko.

Habang isinusulat ko ito, patuloy pa rin at hindi humuhupa ang diin ng pagproprotesta; libo-libong mamamayan pa rin ang nasa mga kalye ng Hong Kong na sumisigaw na tuluyan nang ibasura ang nakabinbing batas, na pakawalan na ang mga hinuling nagprotesta, na managot ang mga kawani ng pulis sa marahas nilang pagtugon, at bumaba sa puwesto ang pinuno ng pamahalaang si Carrie Lam.

Kung binabasa ninyo ang aking kolum at kung sinusundan niyo ang aking mga gawa ay alam ninyong isa akong masugid na tagapagtaguyod sa mala­yang pagpapahayag at ang kaakibat nitong mapayapang pagpupulong. Tuwing nagtitipon ang mga mamamayan upang magprotesta, mayroon silang ipinarara­ting sa lahat, maaaring nagpapakita sila ng suporta o pagtutol.

Alalahanin na­ting, bago ang panahon ng viral videos at ng social media, ang kilos protesta sa mga lansangan ay isang mabisang paraan upang makapagpahayag ng mga saloobin ang publiko.

Habang nanonood ng mga ulat sa Hong Kong, handa akong sabihin na iba pa rin ang kilos protesta na paraan ng pagpapahayag ng sentimiyento ng publiko, kahit sa panahon pa ng internet. Kahit pa sabihin na may milyones kang like sa mga tweets o maraming repost ng mga bulalas mo sa Facebook o ‘di mabilang na pirma sa mga petisyon online, ilan ba talaga ang mga taong nakausap mo? Hindi maitatanggi ang sinseridad ng mga taong lalahok sa mga kilos protesta kahit alam nilang maaari silang matamaan ng mga water cannons at mabaril ng mga balang gawa sa goma o na madakip at makulong dahil sa pagsuporta sa kanikanilang mga paniniwala.

Sinasabi ko lahat ng ito bilang isa rin sa mga lumahok sa ilang mga kilos protesta. (Nakapanood na siguro kayo ng ilang mga videos).

Sa tamang oras at paraan, ang kilos protesta ay mahirap talunin. Kung ayaw niyo pa ring maniwala, at iniisip ninyong walang magagawa ang pagkikilos protesta, inaanyayahan ko kayong bumili ng tiket at lumipad papuntang Hong Kong.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy