Una sa Balita

Ang isang bansa ay maaaring magbahagi ng kanyang natatanging karapatan

0 357

Ok ka harry
Harry Roque

Isa si Justice Antonio Carpio sa mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte pati ng kanyang administrasyon. Walang masama dito.

Ngunit, kawili-wiling tignan na sa kagustuhang suportahan ang kanyang argumento tungkol sa kasunduan ng China at Pilipinas sa pangingisda sa pinag-aagawang territoryo, sinabi ni Justice Carpio na dapat mangi­ngibabaw ang Saligang Batas ng Pilipinas kaysa sa International Law.

Ang binitiwang salitang ito ni Justice Carpio ay hindi ayon sa kanyang naging desisyon sa kaso ni Magallona vs Executive Secretary. Sa kasong ito, kung saan nirepresenta ko ang dati kong propesor na si Law Dean Merlin M. Magallona, aking ipinabatid sa aking argumento na dapat ang Treaty of Paris at hindi ang United Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang siyang gamitin upang alamin ang saklaw ng teritor­yo ng Pilipinas.

Hindi umayon ang Korte Sup­rema sa akin. Sa isinulat na desisyon ni Justice Carpio, sinabi niya na ang principle ng pacta sunt servanda—o ang prinsipyo na ang kasunduan ng mga iba’t ibang bansa ay dapat bigyang batid—ang siyang dapat mangibabaw kaysa sa literal na mga probisyon ng ating Saligang Batas.

Ayon sa ating Saligang Batas, ang territoryo ng Pilipinas ay binubuo ng lahat ng arkipelago at lahat ng lupa at tubig na nakapalibot dito.

Sa UNCLOS naman, nilimitahan ito sa 12 nautical miles. Nawala sa atin ang napakalaking bahagi ng ating territoryo dahil ayon sa lohika ni Justice Carpio, mas importante na sumunod sa napagkasunduan kaysa sa kung ano man ang nakasaad sa Saligang Batas.

Hindi ko lang mawari kung bakit ngayon ay mayroong pagbaliktad na ginagawa si Justice Carpio ukol sa isyung ito. Kung susumahin ko ang kanyang mga pahayag at aksyon nitong mga nakaraang buwan, isa lang ang nakikita ko: nakikisakay na siya sa partisan politics kung saan mas nangingibabaw sa kanya ang kulay kaysa sa katotohanan. Para sa kanya, lahat ng taha­king landas ni Pangulong Duterte ay mali at hindi konstitusyonal.

Para naman sagutin ang tanong kung ang eklusibong karapatan sa pangingisda ay puwedeng ipaubaya ng isang nagsasariling bansa, ang sagot ay oo.

Ito ay ayon sa International Law at sa ating Saligang Batas. Bakit? Sapagkat bilang isang nagsasariling bansa, ang Pilipinas ay may kakayahang ibahagi sa kung anoman ang nililimitahan ng batas. Parang pagkain na naitakda para sa isang tao. Puwede ba niyang ibahagi ang parte nito sa iba? Oo naman, kung gugustuhin niya.

Bagama’t ang karapatan natin ay 200 nautical miles na siyang binubuo ng ating jurisdiction, mayroon tayong mga pagkakapatong hindi maiiwasan sa ibang mga bansa. Ayon sa UNCLOS, ang mga pagkakapatong na ito ay dapat ayusin sa pamamagitan ng mga pormal na kasunduan. Sa ngayon, ang Indonesia pa lang ang natatanging bansa kung saan mayroon tayong treaty sa usaping ito. Ang kasunduan patungkol sa magkasamang pangi­ngisda na iminumungkahi ni Pangulong Duterte ay isa lamang pansamantalang kasunduan hangga’t hindi pa naaayos ang iba’t ibang sigalot sa teritoryo sa pagitan ng Pilipinas at China. Ang kasunduang ito, na kung tawagin ay ‘executive agreement’ lamang at hindi kalebel ng treaty, ay hindi kailangang aprubahan ng Senado batay na rin sa ilang beses nang pagpapaliwanag ng Korte Suprema.

Ang punto ko lamang ay: hindi dahil hindi tayo sang-ayon sa bawat desisyon ni Presidente ay hindi na ito konstitusyunal. Mag-ingat din ang lahat sa mga politikong nag-aastang mga ma­histrado.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy