Una sa Balita

Ang international law at kung bakit ito mahalaga

0 438

Harry Roque

Sa maraming pagkakataon, naibahagi ko sa inyo sa aking mga naunang kolum ang aking mga naging karanasan bilang propesor sa Kolehiyo ng Batas ng Unibersidad ng Pilipinas (UP Law).

Bigyan niyo ako muli ng pagkaka­taon na ibahagi ito sapagkat ngayon ay nag-uumapaw sa galak at kasiyahan ang aking puso.

Nito lamang Biyernes, nasungkit ng UP Law ang Price Media Law Moot Court Competition sa Oxford, England. Kung inyong maaalala, ang mga kalahok ay sinanay ng aking mga dating estud­yante na sina Atty. Modesta Apesa (Pip) Chungalao at Atty. Rachel Miranda, bago sila lumipad papuntang Europa.

Pinanalangin ko ang dalawang magkasunod na taong pagkapanalo para sa Pilipinas (noong hu­ling taon ang Unibersidad ng San Carlos ang siyang nagwagi) at sa awa ng Diyos ay nakamit natin ito—apat na taon mula nang maipanalo ito nina Atty. Pip at Atty. Rachel sa unang pagkakataon para sa bansa.

Marahil ay nagtataka kayo kung bakit ganoon na lang ang aking kasigasiran sa mga moot court competition. Bukod sa ito ay magandang paraan upang matuto ang mga mag-aaral ng batas ng mga esensyal na kahusayang kailangan sa propesyon (research, pagsulat, pagsasalita, at kritikal na pag-iisip), ang moot court ay isa ring oportunidad para sa mas malalim na pag-aaral ng international law.

Bilang ako ay nagturo ng Public International Law sa mahabang panahon, alam ko na ang isang semestreng pagtuturo nito sa isang classroom setting ay hindi sapat upang mabigyang halaga ang saklaw ng international law gayundin ang kasalimuutan ng paksang ito.

Para sa nakararami, ang kadalubhasaan sa international law ay maihahalintulad sa isang bagay na katulad ng bagong gad­yet—isang magandang kasangkapan ngunit hindi naman importante sa pang-araw-araw na buhay.

Ang nakikita kong rason sa ganitong menta­lidad ay sapagkat marami sa aking mga kasama sa propesyon ang mas kinikilala ang importansya ng domestic law kaysa sa international law. Tama nga naman, sapagkat kapag ikaw ay nakasuhan ng krimen ukol sa danyos, hindi mo naman puwedeng gamitin ang Vienna Convention on the Law of Treaties o ang Articles on State Responsibility bilang iyong depensa.

Gayunpaman, ang international law ay mahalaga, partikular na sa kung paano makitungo ang mga bansa sa isa’t isa. Ang international law ay nabuo upang matugunan ang kung anumang hidwaan sa pagitan ng bansa at para maiwasan ang epekto ng digmaan.

Sigurado ako na sa pagbabasa niyo nito ay iniisip niyo na ang mga mangilan-ngilang bansang nagkaroon ng hidwaan sa kasayasayan ng mundo. Karamihan sa malalaki at malalakas na bansa ay kung minsan ay nagiging garapal at nanghihimasok na sa soberanya ng mas maliliit na bansa. Ang international law ay nariyan upang mag-‘check and balance’ sa pag-aabusong dulot ng kapangyarihan.

Siguro ay magkakaisa tayo kapag sinabi ko na kailangan ng Pilipinas ang international law.

Dahil dito, umaasa ako na ang mga kasamahan ko sa propesyon ay magiging daan upang mas marami pang mga mag-aaral ng batas ang matuto ng international law, lalo na’t sa pagsali sa mga moot court competition. Hindi natin alam kung kailan natin puwedeng magamit ang mga matutunan nila ngunit ito ay mabisang armas sa anumang panahon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy