Una sa Balita

Ang Globalisasyon at ang Virus

0 789

Ang unang maaaring sisihin kaya naging pandemiko o pandaigdigan ang pagkalat ng sars coronavirus at ng sakit COVID-19 ay globalisasyon—Dahil sa mas mabilis na mga teknolohiya ng transportasyon, milyong-milyong mga tao ang paroo’t parito na nagpapalitan sa bawat bansa upang maglakbay at magnegosyo.

Kaya sa panahon ngayon, ang solusyon ng marami ay “Build walls, restrict travel, reduce trade.” Samakatuwid lockdown.

Ngunit ayon sa historyador na si Yuval Noah Harari, awtor ng malaganap na mga aklat na Sapiens at Homo Deus sa kanyang artikulong “In the Battle Against Coronavirus, Humanity Lacks Leadership” kamakailan sa Time: Kung babalikan ang kasaysayan, wala pa tayo sa panahon ng globalisasyon noong kumalat ang Black Death noong 1347-1351 pero 75 hanggang 200 milyong katao ang napatay nito. Gayundin ang 1918 influenza pandemic kung saan 500 milyon ang tinamaan at tinatayang 50 milyon ang namatay. Sa kabila ng AIDS, ebola, SARS at iba pa, hindi na ganoon karami ang namamatay sa mga pandemiko.

Ayon kay Harari, “However, while short-term quarantine is essential to stop epidemics, long-term isolationism will lead to economic collapse without offering any real protection against infectious diseases. Just the opposite. The real antidote to epidemic is not segregation, but rather cooperation.” Sa una lang dapat magsara, pero dapat tuloy ang ugnayan. Dahil ang leksyon sa kasaysayan aniya ay nalalabanan ang pagkalat ng virus kung nakapagpapalitan ng mga siyentipiko ng iba’t ibang bansa ng impormasyon ukol sa virus at nang epektibo itong malabanan. Kailangan din matuto sa karanasan ng ibang bansa sa kung papaano nila nilalabanan ang virus.

Ngunit malaking hamon ang pagpapakalat ng disimpormasyon na nagdudulot ng kawalan ng tiwala sa bawat isa. Nagbabayad na rin ang mga pamahalaan sa hindi pagbibigay ng pansin sa agham at sa mga kapalpakan at kaliluhan ng ilang mga politiko. Sa panahon ng krisis, kailangang may tiwala ang mga tao sa mga institusyon para sumunod sila dito at hindi magkagulo.

Ayon kay Harari, “To defeat an epidemic, people need to trust scientific experts, citizens need to trust public authorities, and countries need to trust each other. Over the last few years, irresponsible politicians have deliberately undermined trust in science, in public authorities and in international cooperation.” Samakatuwid, ang pagkakanya-kanya ng mga tao ay maaaring ikatodas nito ngayon at sa mas marami pang pandemiko na magaganap sa kinabukasan.

Kung sa panahon ngayon ay magkanya-kanya at hindi mabuo ang tiwala natin sa isa’t isa, ayon kay Harari ito na ang pinakadakilang tagumpay ng virus. Habang nag-aaway ang mga tao lalong lumalakas ang virus. Ang pag-asa ng kaligtasan natin dito at sa mga susunod pang pandemiko ay ang mas ibayong pagtutulungan ng bawat isang bansa at ang pakikipagkapwa natin.

Manatili sa inyong mga tahanan. Kaya natin ito!

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More