Una sa Balita

Ang empanada at turismo ng Ilocos Norte

0 553

Sa ikalawang pagkakataon na nakara­ting ako sa Ilocos Norte ay mas nakapag-obserba ako sa mga katangian ng lugar na ito. Dumalo ako sa ginanap na Press Freedom Caravan sa Mariano Marcos State University noong October 17, 2019. Ang event ay pinamahalaan ni Presidential Communications Operations Office Assistant Secretary Kris Ablan, ang main man ng Freedom of Information.

Pagdating pa lang sa Laoag International Airport (LIA) ay mararamdaman na ang imahe ng kaunlaran sa Ilocos Norte.

Ang LIA ang nag-iisang paliparan sa Ilocos Norte at nagsisilbi bilang ‘northernmost international airport’ sa ating bansa. Mayroon itong 2,420-meter runway, at itinalaga ng Civil Aviation Authority of the Philippines bilang secondary/alternate international airport. Maganda ang kabuuan ng paliparan, tahimik at malinis. Naglibot muna ako sa loob nito at kumuha ng mga larawan bago ko hinarap ang mga miyembro ng media na sumalubong sa akin.

Dahil tubong Ilocos Norte si Asec. Ablan, habang papunta kami sa venue ay siya na ang nagsilbing tourist guide namin. Napadaan kami sa pamosong Malacañang of the North na matatagpuan sa Paoay. Ito ang naging opisyal na tahanan ng pamilya Marcos noong si dating Ferdinand Marcos pa ang pangulo ng ating bansa.

Isa itong two-story mansion at mula rito ay matatanaw ang Paoay Lake.

Dahil mahilig sa number 7 si dating pa­ngulong Marcos, mayroon itong pitong kuwarto. Sa ngayon, ang mga kuwartong ito ay may mga tema ng historical events mula sa Marcos era: Education, Agriculture, Diplomacy, OFW, Culture, Nation Buil­ding and Family. Hindi na rin ito ginagamit sa official function ng nakaupong pangulo at isa na itong tourist site na nasa pa­ngangasiwa ng Department of Tourism.

Sinasabi rin na sa Paoay Lake madalas mag-jetski si dating pangulong Marcos, ang pinakalibangan niya ‘pag nasa kanyang hometown.

Malaki, maganda at napakalawak naman ng Mariano Marcos State University.

Itinatag ito noong January 6, 1976 sa bisa ng Presidential Decree No.
1279. Nabuo ito nang pagsamahin ang dalawang state colleges sa Ilocos Norte: ang Mariano Marcos Memorial College of Science and Technology sa Batac at ang Northern Luzon State College sa Laoag City. Isinama rin dito ang tertiary level courses ng Ilocos Norte Agricultural College sa Pasuquin, at ang Ilocos Norte College of Arts and Trades sa Laoag.

Ang main campus ng MMSU ay nasa Batac City ay may lawak na 300 ektarya.

May dalawang campus din ito sa Laoag City at tig-isa sa Currimao, Dingras at Paoay.

Nang makakuwentuhan ko ang kanilang presidente na si Dr. Shirley Agrupis, masaya niyang ibinalita na ang kanilang unibersidad ay nakapagpo-produce ng high quality graduates at sobrang in-demand ang mga nagtapos sa kanilang agriculture and nursing courses. Binanggit din niya na maganda ang passing rate ng kanilang law school at ilan na sa kanilang mga naging estudyante ang practicing lawyer na ngayon.

Gabi na ako nakabisita sa Paoay Church, o ang Saint Augustine Church.

Naitayo ito noon pang 1710 at sikat na sikat dahil sa pambihira nitong disenyo. Idineklara ito ng ating pamahalaan bilang National Cultural Treasure noong 1973, at isa na ring UNESCO World Heritage Site na kabilang sa Baroque Churches of the Philippines noong 1993.

Dahil sa limitadong oras ay hindi ko na nakita ang ibang bahagi ng Ilocos Norte. Kung pagbabatayan ko ang mga naobserbahan ko habang daan, malinis ang kapaligiran doon, walang trapik at hindi nakakalat ang mga tao kung saan-saan kahit sa mga commercial district. Malalaki ang mga bahay, na maging ang mga bago at kasalukuyang itinatayo ay nakasunod sa kanilang sinaunang mga disenyo. Maganda ang naging vision ni dating pangulong Marcos para mapaunlad ang probinsyang kanyang pinagmulan, gaya rin ni Pangulong Duterte sa Davao City.

Napaka-hospitable ng mga tao at laging may nakahandang ngiti ang mga nakakasalubong ko kapag ako’y naglalakad kahit sa mga ordinaryong lansangan. Pinipigilan ako ni Dr. Agrupis na mag-stay pa kahit isang araw para mas makalibot ako, pero nagkataon na may mga pagpupulong na dapat akong daluhan sa Palasyo.

During my “me time” and since nasa Ilocos Norte na rin lang ako ay naghanap ako kung saan may masarap na empanada. Nakakita ako ng isang kainan na rekomendado pa rin ni Asec. Ablan. Habang inihahanda iyon ng nagluluto ay pinanood ko kung paano pinagsasama-sama ang ginadgad na hilaw na papaya, carrot, pritong itlog at iba pa kasama siyempre ang napakasarap na longganisang Ilocos, at pagkatapos ay binalot sa manipis na kulay orange na wrapper. Ang pinaka-sauce siyempre pa ay ang maanghang na sukang Iloko. Napakasarap! Nakadalawang order ako.

Sikat ang turismo ng Ilocos Norte kaya kung may plano kayong magbakasyon ay inirerekomenda ko na isa ito sa inyong puntahan. Huwag rin ninyong kalilimutang tikman ang empanada ng Batac.

Lunes na naman, mga kaabante, magsama-sama tayo sa isa pang produktibo at ligtas na linggo para sa ating lahat.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy