Una sa Balita

Ang drug war czarina

0 407

Teenagers pa lang kami ni VP Leni Rob­redo ay magkakilala na kami. Pareho kaming tumira sa UP Kalayaan Dorm mula 1982-1983.

Si yumaong Cong. Rodel Batocabe ang naging daan para magkakilala kami at magkakuwentuhan. Wala naman siyang malaking ipinagbago. Pero nagulat kaming mga ka-dorm at kaklase niya nang bigla siyang pumasok sa politika. Masaya kami sa kanyang napagtagumpayan.

Nagkaroon kami ng pagkakataon na mag-usap nang matagal nang magkasabay-sabay kami nina Rep. Kit Belmonte at Rep. Batocabe na manumpa bilang opisyal ng gobyerno pagkatapos ng eleksyon noong 2016. Pinayuhan ko siya na kumalas na sa Libe­ral Party dahil lumipas na ang impluwensya ng partido. Ano ba ang kanilang nagawa? Kaya lang hindi siya nakinig sakin.

Itinalaga siya ni Presidente Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na pinuno ng Housing Autho­rity, ang departamento na pinamunuan din ni dating VP Binay.

Ang akala ko, tulad ni VP Binay, ay itutuon lamang niya ang kanyang talento at lakas sa pagtupad ng tungkulin niya na iyon. Pumayag siya na maging pinuno ng Liberal Party na naninindigan laban sa isang presidente na mataas ang approval rating. Muntik na itong magresulta sa pagkasira ng kanyang political career.

Matapos ang tatlo at kalahating taon bilang VP, hinirang siya ni PRRD na anti-drug czar[ina]. Isa siya sa palaging tumutuligsa sa mga ipinapatupad na hakbang ni PRRD para solusyonan ang problema sa droga kaya marahil nga ay bunga na ng pagkainis ang pagtatalaga sa kanya. Halos lahat ng miyembro ng partido niya ay tumutol na tanggapin niya ang alok na posisyon.

Naniniwala raw sila na ang intensyon ni PRRD ay i-‘ridicule’ siya. Pero heto at tinanggap na nga niya ito, salungat sa payo ng kanyang mga kapartido.

Totoong inalok ni PRRD sa kanya ang puwesto bunsod ng pagkainis ngunit marahil ang isa pang dahilan ay ang nararamdaman niyang galit sa mga bumabatikos sa kanya. Batay sa pagkakakilala ko kay PRRD, ang isa pa ring dahilan ay ang pagsasawa na niya. Sa kabila ng kanyang masigasig na pagsisikap, nananati­ling mapanganib at malawak ang impluwensya ng droga. Sa pagtatalaga niya kay VP Leni bilang drug czar[rina] parang sinasabi niya: “eh ‘di ikaw na lang nang malaman mo kung gaano kalala ang problema.”

Ano ba ang trabahong kinakaharap niya? Malinaw na ‘di biro at ubod ng laki! Nadiskubre mismo ni PRRD na nagkamali siya sa kanyang sapantaha na anim na buwan lamang ang kailangan para sugpuin ito. Sa kasamaang palad, tulad ng nangyayari sa lahat ng digmaan, mayroong namamatay. Ang puwedeng siguruhin ni VP Leni ay ang mabawasan ang bilang ng mga ito.

Noong panahon na nagsisilbi ako kay PRRD bilang tagapagsalita niya, ang namumuno ng PDEA ang kinikilala ng batas na anti-drug czar. Hindi siya miyembro ng Cabinet at kahit minsan ay hindi siya dumalo sa anumang pagpupulong. Kung magkakaroon man siya ng iba pang tungkulin iyon ay ang dumalo sa buwanang kumperensya kasama ang iba pang matataas na opisyal ng PNP at AFP. Ang pagdalo niya sa mga pulong na iyon ang magbibigay sa kanya ng access sa classified information ukol sa estado ng problema sa droga.

Ang desisyon niya na maging anti-drug czar[rina] ay maaaring makabuti o makasama sa kanyang plano na tumakbo bilang presidente sa 2022. Binigyan siya ni PRRD ng huling oportunidad para manindigan at pagsilbihan ang taong bayan. Ito ay isang pambihirang pagkakataon para sa tulad niya na hindi nagbigay halaga o sumuporta sa ginagawa ni PRRD. Sige, tingnan natin ngayon kung ano ang magagawa niya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy