Una sa Balita

Ang day care center

By
0 936

Sa panahon ngayon, hindi na puwedeng isa lang ang nagtatrabaho sa pamilya. Dapat magkatulong na ang mag-asawa sa paghahanapbuhay. Ang problema kadalasan, wala nang magbabantay ng mga paslit nilang anak habang nasa trabaho sila.

Mabuti kung mayroong lola o tiya na may panahong umaruga… Kung wala, napipilitan ang isa na manatili sa bahay para tingnan ang mga bata.

‘Yan ang tunay na dahilan ng pagkakaroon ng mga day care center na pinondohan ng gobyerno. Nagsisimula sa dala­wa at kalahating taon pataas, tinatanggap ang mga bata at binibigyan ang gobyerno ng pagkakataong ipagkatiwala sa kanila ang mga bata sa pamamagitan ng mga day care center.

Sa aming bayan sa Cainta, mahigit 28 na ang day care na kasalukuyang pinatatakbo ng gobyernong lokal. Ginawa naming kaiga-igaya ang mga laruang pambata.

Nilagyan namin ng mga gamit at upuang makapagpapaakit sa bata, mga laruan at gamit pangkain, silid na may air-condition para hindi maging maalinsangan sa mga paslit at higit sa lahat, pasensyosong mga day care worker na tuturuan sila ng mga bagay na angkop sa kanilang mga gulang.

Pinag-aral din natin ang ating mga wor­ker sa mga pribadong unibersidad para ma­ging dalubhasa sa lara­ngan ng pag-aaruga ng mga paslit at maintindihan ang kanilang mga murang isip.

Parati kong pina­paalala sa mga facilitator na ang day care ay hindi ang tamang lugar o panahon para bigyan ng pormal na edukasyon ang mga bata.

Related Posts

Hindi kailangang mag-aral ng mga bata sa day care. Darating ang tamang panahon para sila ay mag-aral pagtuntong ng kinder school, pampubliko man o pribado. ‘Wag nating abusuhin ang murang isip nila. Hayaan muna natin silang magsaya, maglaro at makipagkaibigan.

Hindi naman nila kailangang maging parating advance sa pag-aaral.

‘Yan ang problema sa atin. Parati natin gustong maging advance, na ‘yung dapat matutunan ng 8 years old alam na dapat ng 5 years old pa lang… na ‘yung dapat alam ng 6 years dapat 3 years old pa lang ay inaral na. ‘Yung pagiging tama at angkop sa edad ng tao ang susi sa mas buo at maayos na pag-aaral. May tamang edad para sa bawat taon natin bilang isang bata.

Mas maganda rin kung buong araw ang kanilang paglagi sa day care para hindi na rin isipin ng mga magulang ang pagsundo o paghatid dito sa gitna ng kanilang mga gawain.

Napansin ko nga lang sa mga day care center na marami ang mga nanay na naka­tambay at nakamasid sa bintana at nag-aantay nang pagsundo, tatlong oras pa bago matapos ang klase.

Ito ang nagpapawalang kabuluhan ng pagkakaroon ng day care dahil kung libre naman pala ang magulang at wala namang trabaho, tama lang na sila na ang mag-aruga sa mga bata para sa mas magandang bonding. Uulitin ko… ang day care ay hindi paaralan. Ito ay lagakan ng mga batang ang magulang ay may kailangang gawin.

Gamitin nang wasto ang pasilidad ng gobyerno at ibigay natin ang dapat para sa mga paslit na papalit sa atin pagdating ng tamang panahon.