Una sa Balita

Ang bumuhat sa bayan

0 377

76 years ago, noong 14 Oktubre 1943, nanumpa si José Paciano Laurel bilang pangulo ng Republika ng Pilipinas. Selebrasyon din iyon ng pagbibigay sa atin ng kalayaan ng bansang Hapones pero sa katunayan, sakop pa rin nila tayo kaya nakilala ang ikalawang republi­kang Pilipino bilang “Japanese-sponsored” o “Puppet Republic.”

‘Yung mga sumunod na henerasyon na hindi na nakita kung ano ang kabutihan na ginawa ni JPL, ang nanatili na lamang sa kanilang isipan ay ang titulong “Pangulo ng Papet na Republika” at ang konotasyon nito sa marami ay taksil siya sa bayan.

Kamakailan, isang napakahusay na dokumentaryo ang ipinalabas ukol sa buhay ni JPL na pinamagatang “Laurel” na idinerehe nina Grace Javier-Alfonso at Arminda Santiago. Noong isang taon, pinadalhan din ako ng manunulat ng “Burlesk Queen” at “Machete” at kolumnista ng Manila Times na si Mauro Gia Samonte ng kanyang aklat na Nation Above Self.

Ipinaliwanag ni Samonte sa huling ba­hagi ng kanyang aklat sa bagong henerasyon na kung naaalala ng mga tao ang mga katulad ni José Rizal, Manuel Quezon at Ramon Magsaysay, sana maipaalala din ang papel ni Laurel sa pagbibigay daan ng pag-alalang ito.

Si JPL, sa kabila ng masidhing pagtutol ng mga Katoliko at ng mismo niyang asawa, ang nagsulong ng pagsasabatas ng pagtuturo ng buhay at mga sinulat ni Rizal sa mga paaralan. Ngayon si Rizal ang bayaning pinakanaaalala dahil dito.

Si JPL, sa kabila ng kanyang naunang pagtutol, ay napilitang pumayag na maiwanan ni Quezon ng pamahalaan sa Maynila upang makipagtulungan sa mga Hapones at nang hindi masyadong ma­ging grabe ang epekto ng digmaan sa atin. Dahil sa kanya, marami na sanang papatayin ang mga Hapones na nailigtas, pati na ang isang Pilipinong mismong bumaril sa kanya. Kahit na suwayin ang mga Hapones, imbes na ideklara ang pakikidigma natin laban sa Amerika at hayaang ang mga Pilipino ay lumaban para sa mga Hapones ay idineklara lamang niya na may digmaan na nagaganap na. Legal itong pagsasabi na wala nang kailangang pagpapadala ng sundalo na gagawin. Dahil dito naiwasan ang mas marami pa sanang namatay. Naipanganak ang marami sa atin dahil sa desisyon na iyon. Pero si Quezon ang umani ng lahat ng papuri pero si Laurel ay tila kinalimutan.

Si JPL, na siya sanang kandidato ng Partido Nacionalista sa pagkapa­ngulo noong 1953, ang kumumbinsi kay Ramon Magsaysay na lumipat ng partido at nagmaneobra upang si Monching ang tatakbo. Kung hindi niya ginawa ito, hindi sana naging pangulo ang Man of the Masses.

Ayon kay Samonte, tulad sa tulang “Footprints in the Sand,” hindi natin siya nakita sa mahihirap na tagpo ng ating kasaysayan, ito ay dahil si Laurel ang bumuhat sa bayan tu­ngo sa mas magandang panahon, isinakripisyo ang pansariling interes para sa bayan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy