Una sa Balita

Ang Barretto soap at ang batas

0 426

Sa ngayon, maaa­ring hindi na mainit ang soap opera na ito ngunit maganda itong oportunidad para talakayin ang batas.

Kapag ang magkakapatid ay nagsasakitan sa harap ng ibang tao, nagkakasala sila ng crime of physical injury. Kapag naglathala sila ng malis­yosong pahayag laban sa isa’t isa, ang kasong puwedeng isampa ay libel. Kapag minura at ininsulto nila ang isa’t isa, puwede silang maghabla sa korte dahil sa kasong slander.

Pero kapag ang kaakit-akit na kasintahan ng mga mayayaman at sikat ay nagpalit-palitan din ng kapareha na para lamang silang nagpapalit ng designer bags, ang ilang komplikadong elemento ng batas ay kailangang ipaliwanag. Halimbawa, kapag ang mga taong may asawa ay hayagang nagroromansa sa mga publikong lugar, may asawa man o wala, sila ay nagkakasala ng alinman sa dalawa: Adultery o concubinage, depende sa kasarian ng gumagawa nito.

Ang adultery ay ang pagkakasala ng isang babaeng may asawa na nakikipagtalik sa isang lalaki na hindi niya asawa. Sa mga magkakapatid na Barretto, ang mas nakababata sa kanila ay maaaring managot sa batas dahil siya lamang ang ikinasal. Ang nakatatanda sa kanila, kahit na siya ay kilala na may kasintahang napakayaman, sa abot ng aking kaalaman, ay hindi pa naikasal. Ang ikinagulat ko ay ang pagsisiwalat ng isa sa kanila na ang ama ng isa sa kanyang mga anak ay isang dating opis­yal ng gobyerno na alam ng lahat ay may asawa! Iyon ay isang deklaras­yong kontra sa kanyang kapakanan na maaaring bigyang kahulugan na maliwanag na pag-amin ng kanyang kasalanan.

Hindi tulad ng mga lalaking tauhan sa soap opera na ito, ang babae ay puwede nang mabilanggo sa pagkakasalang adultery dahil sa pakiki­pagtalik niya ng isang beses sa lalaki na hindi niya asawa. Ang lalaking may asawa, sa kabilang banda, ay mabibilanggo lamang dahil sa pagkakasalang concubinage kung gagawin niya ang mga ito: Una, kung magsasama sila ng mistress niya doon mismo sa bahay na pagmamay-ari niya at ng kanyang asawa; pangalawa, kung magsasama sila nang pangmatagalan, kahit sa ibang lugar man; at pangatlo, kung nambababae siya sa kahiya-hiyang paraan na nagreresulta ng pagkagalit ng publiko.

Ano ang opisyal na dahilan ng pagkakaiba? May posibilidad na mabuntis ang babae matapos lamang ng isang pagtatalik. Sa tingin ko, dahil ang adultery at concubinage ay parehong labag sa batas ng kalinisang puri, wala dapat pagkakaiba ang parusa na nakabatay lamang sa kasarian.

Ayon sa sugnay ng equal protection, ang mga taong nasa magkakatulad na sitwasyon ay dapat tratuhin sa paraang magkakatulad din. Talaga namang parehong pagkakasala sa kalinisang puri ang dalawa.

Samakatwid, ang parusa sa kasalanang adultery at concubinage ay hindi nauugnay sa layunin ng batas at hindi ito nakabatay sa totoong pagkakaiba ng mga nagkakasala. Kung gayon, hindi ito makatwiran batay sa reasonable basis test na tinutukoy ng Korte Suprema. Pero bakit hindi ito idinedeklara na labag sa konstitusyon?

Batay sa batas ng Estados Unidos, anumang pagkakaiba ng parusa na nakabatay sa kasarian ay ipinapalagay na labag sa konstitusyon.

Responsibilidad ng estado na magpakita ng makatwirang dahilan ng pagkakaiba. Sa aking palagay, dapat ay tularan natin ang pagpapatupad ng batas sa ganitong paraan.

Gawin natin ito para naman maliban sa intriga at tsismis na kinaaliwan ng mga tao sa pag-aaway ng magkakapatid na Barretto ay magkaroon tayo ng produktibong talaka­yan na maaaring humantong sa paghamon natin sa konstitusyonalidad ng batas sa concubinage. Aba e, kung gagawin natin ito, meron tayong mapapalang mabuti sa hindi kanais-nais na soap opera na ito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy