Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Ang Barbie ni Michel

0 166

Pangarap ni Michel Despues na magkaroon ng Barbie noong bata pa siya. Kasi ‘pag may Barbie Doll ka tiyak na sosyal ka. Kaya naman nang magkaroon siya ng pagkakataon na kumita iyon agad ang kanyang binili. At hanggang ngayon ay pinakatago-tago niya ang kanyang unang Barbie.

Si Michel Despues ay isang fashion designer sa Dubai. Pero bago siya nag-Dubai ay marami na siyang pinasukan na mga Couture House tulad ng Manna by Babette Aquino kung saan una siyang nagtrabaho at natuto bilang fashion illustrator at designer sa edad na 17 . Batang-bata pa ngunit napakagaling gumuhit kaya naman hindi kataka-takang may malayong mararating. Kaya naman para lalong matuto ay nag-aral siya sa Slim’s School of Fashion kung saan ay nakilala niya at naging kaibigan ang mga world class designer na sina Michael Cinco, Joey Samson, Alex Pigao at marami pang iba.

Sobra siyang nagpapasalamat sa inyong lingkod na nagbukas sa kanya ng oportunidad na makapasok sa industriya ng fashion. Ako ang unang nakadiskubre sa kanya dahil nakakitaan ko siya ng galing at determinasyon na matuto sa ganitong propesyon. Kaya naman hindi naging mahirap sa kanya ang manatili at magtagal dito hanggang sa kasalukuyan. Pagkatapos niyang mag aral sa Slim’s ay nagtrabaho na siya sa mga ibat ibang kilalang mga batikang fashion designer tulad nila Rene Salud, JM Goulbourne ng Shoemart at Toni Galang.

Lalong nahasa ang kanyang galing at talento dahil na rin sa mga naging karanasan nya sa mga bigating designer dito sa Pilipinas. Nagtrabaho din siya bilang stylist sa isang reality program na Starstruck ng GMA Network at bago niya tuluyang lisanin ang Pilipinas para magtrabaho sa Dubai ay nagtrabaho muna siya kina Ricci Lizaso at Frederick Peralta bilang fashion illustrator.

Tuluyan na nga niyang nilisan ang Pilipinas dala ang lahat ng kanyang natutunan . Sa Dubai niya pinili na makipagsabayan sa mga Pilipinong gumagawa ng pangalan sa buong mundo tulad ni Micheal Cinco, Furne One ng Amato Couture, Ezra Santos at Iba pa. Nakilala si Michel sa pagdisenyo ng mga Abaya sa Dubai. Kung saan ay tunay na kakaiba din ang kanyang mga disenyo sa abaya na suot ng mga babaeng Arabo pantakip at pamatong sa kanilang panloob na kasuotan.

Related Posts

Dahil na rin malayo si Michel sa kanyang mga pamilya at naulilang lubos ng pumanaw ang kanyang mga magulang ay pinagtuunan na nga niyang manatili sa Dubai. Ang naging libangan ni Michel sa kanyang pangungulila ay ang kanyang mga Barbie Collection.

Nagsimula na muli siyang mag collect ng mga Barbie at bihisan ito. Napakaganda ng kanyang mga disenyo at likha ng mga kasuotan ng mga Barbie na kanyang pinagtiyagaang tahiin lamang sa pamamagitan ng kamay at hindi ng makina. At dahil dito ay umani na din siya ng mga parangal sa ibat ibang panig ng mundo na kung saan ay may mga Barbie Collectors din. Natatangi ang kanyang galing kaya hindi imposibleng umani siya ng tagumpay at pag kilala sa kanyang mga gawa.

Hindi nabigo sa kanyang mga pangarap si Michel. Natupad niyang makilala sa buong mundo sa pamamagitan ng kanya mga Barbie. Ang Barbie din ang kasama niya sa saya, kalungkutan at pangungulila sa kanyang mga mahal sa buhay. Ninanais sana niyang umuwi ng Pilipinas ngunit inabutan siya ng lockdown sa buong mundo.

Tiyak maraming inspirasyon ang maibabahagi ni Michel sa ating mga Mambabasa. Kaya naman Pasikatin natin Siya at ang kanya mga Barbie.

Leave A Reply

Your email address will not be published.