Una sa Balita

Ang banal na pagkapari ng lahat ng mananampalataya (1)

By
0 2

“Tulad ng mga batong buhay, hayaan ninyong kayo ay maitayo bilang espirituwal na bahay tungo sa banal na pagkapari, upang mag-alay ng mga espirituwal na handog na kasiya-siya sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.

Sapagkat ito ang isinasaad ng kasulatan: “Tingnan ninyo, aking inilalagay sa Zion ang isang bato, isang batong panulok na pinili at mahalaga; at sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.”

“Kaya’t sa inyo na nananampalataya, siya’y mahalaga; subalit sa mga hindi nananampalataya, ‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ay siyang naging puno ng panulok,’ at, ‘Isang batong nagpapatisod sa kanila, at malaking bato na nagpabagsak sa kanila.’ Sila’y natitisod dahil sa pagsuway sa salita, na dito naman sila itinalaga.

“Ngunit kayo’y isang lahing pinili, isang maharlikang pagkapari, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos, upang inyong ipahayag ng Diyos ang mga makapangyarihang gawa niya na tumawag sa inyo mula sa kadiliman, tungo sa kanyang kagila-gilalas na liwanag.

“Noon ay hindi kayo bayan, ngunit ngayo’y bayan kayo ng Diyos; noon ay hindi kayo tumanggap ng habag, ngunit ngayo’y tumanggap kayo ng habag.” (1 Pedro 2:5-10)

A chosen race; a royal priesthood; holy nation.

Iyan na po ang kalagayan ng bawat nilalang na nagsuko ng kanyang buhay sa Panginoong Jesus. Siya’y nagiging bahagi ng isang lahing pinili ng Diyos para “ipahayag ang mga makapangyarihang gawa ng Diyos na tumawag sa inyo mula sa kadiliman.”

Kung noong panahon ng Lumang Tipan o Old Testament ay mayroon pang mga pari o saserdoteng inaatasan ang Diyos para mag-alay ng mga handog para sa kasalanan ng mga Israelita, ngayon ay wala nang ganoon. Tinanggal na ng Panginoong Diyos na si Yahweh ang dating sacrificial system ng mga Judio dahil dito:

Related Posts

“Ngunit nang makapaghandog si Cristo ng isa lamang alay para sa mga kasalanan para sa lahat ng panahon, siya ay umupo sa kanan ng Diyos, at buhat noon ay naghihintay hanggang sa ang kanyang mga kaaway ay maging tuntungan ng kanyang mga paa. Sapagkat sa pamamagitan ng isang pag-aalay ay kanyang pinasakdal para sa lahat ng panahon ang mga pinababanal.” (Hebreo 10:12-14)

Ipanalangin n’yo akong maigi dahil nasa puso ko ngayon ang himayin nang pino ang sulat sa mga Hebreo na matatagpuan sa New Testament o Bagong Tipan. Ang pagkakapaliwanag po kasi roon tungkol sa relasyon ng kamatayan ni Cristo Jesus sa krus at ng mga seremonyas ng pag-aalay ng dugo ng hayop noon sa Lumang Tipan ay napakalinaw kung maituturo nang mabuti.

Pero hangga’t hindi pa po natin nagagawa iyon, dito muna tayo sa pinaka-basic truth magsimula: Sinasabi ng Hebreo 10:12-14 na ‘yung minsanang pag-aalay ni Jesus ng Kanyang sarili (o “once-for-all sacrifice” sa Ingles) ay nangangahulugang tinapos na ng Anak ng Diyos ang pangangailangan para sa taunang pagha­handog ng dugo ng tupa para sa mga kasalanan ng tao. Ganu’n kalakas ang kapangyarihan ng kamatayan Niya sa krus ng Kalbaryo, mahigit 2,000 taon na ang nakakalipas. Sapat ang dugong umagos mula sa katawan ng ating Panginoon upang hugasan ang mga kasalanan ng buong daigdig.

Ang susunod na importanteng katotohanan: Dahil hindi na kailangan ang pag-aalay para sa mga kasalanan, hindi na rin natin kailangan ang ‘pari’ o saserdoteng gagawa ng mga pag-aalay na iyon. Ang tawag sa Panginoong Jesus ay ang ating “maawain at tapat na pinakapunong pari sa mga bagay na nauukol sa Diyos” (Hebreo 2:17).

Jesus is our one and only High Priest. So kung gayon, ano ang koneksiyon nito sa pagkakatawag sa mga mananampalataya Niya bilang ‘royal priesthood’?

Mas detalyado nating pag-usapan iyan sa Huwebes. Subaybayan mo ang talakayan natin ha? At ipanalangin mong lagi ang Ulan ng Pagpapala. Mahal ka ng Panginoong Jesus, tumalima ka sa Kanya. Shalom and God bless!

***

(zayithhebron.wordpress.com)