Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Ang bagong ‘Train to Bicol’

0 186

Ilang beses na rin nating sinilip ang South Long Haul Project, o mas kilala bilang PNR Bicol, isang makabagong sistema ng train mula sa Metro Manila patungo sa Bicolandia.

Ang kabuuang plano ay maglalatag ng 565 kilometro ng bagong riles mula sa Sucat, Paranaque hanggang sa Matnog, Sorsogon, ang dulo ng Bicol region. Single-track system ang disenyo ng riles pero may mga bahagi na puedeng tumigil ang regular may train para makadaan ang express train.

Para sa kaalaman ng lahat, narito ang kabuang plano:

• Package 1: Calamba, Laguna – Daraga, Albay (380 kms)

• Package 2: Legazpi, Albay – Matnog, Sorsogon (102 kms)

• Package 3: Calamba, Laguna – Batangas City (45 kms)

• Package 4: Sucat, Paranaque – Calamba, Laguna (29 kms)

Ang Package 1 ay may pondong P142 bilyon mula sa Tsina. Dadaan ang riles nito sa 39 bayan at siyudad, 4 na probinsiya sa dalawang rehiyon ng Timog Katagalugan at Bicol. Sa unang bahagi pa lang, magtatayo ng 23 istasyon, 230 tulay, 10 tunnel at 70 ektarya na depot sa San Pablo, Laguna.

Related Posts

Buwan ng Nutrisyon

Pumitas ng puno

Umihi sa garahe

Magsisimula ang trabaho ngayong unang bahagi ng 2022 at matatapos ang konstraksyon sa 2024; mag-uumpisa ang serbisyo sa ikatlong bahagi ng 2025. Ang pampasaherong tren ay tatakbo sa bilis na 120-160 kph, samantalang 80-100 kph ang mga tren na pangkargada. Kaya naman magiging 4-6 oras na lamang ang biyahe hanggang Bicol. Mas mabilis pa kesa magmamaneho.

Ang bidding sa Package 1 ay napunta sa grupo ng mga kompanya mula sa Tsina: China Railway Group Ltd., China Railway No. 3 Engineering Group Co. Ltd., and China Railway Engineering Consulting Group Co. Ltd.

Ang bidding para sa Package 2 ay gagawin bago matapos ang 2022.

Nagkainteres tayo sa PNR Bicol matapos mapanood sa Netflix ang Snowpiercer, isang sci-fi na palabas kung saan ang mga karakter ay lulan ng tren na may 1,001 na bagon.

Sa Pilipinas, ang pinakamahabang biyahe ng tren sa ating kasaysayan ay ang pinagdugtong na North Main Line (San Fernando, La Union – Tutuban, Manila) at South Main Line (Legazpi, Albay – Tutuban, Manila) ng Philippine National Railway. Tumigil ang mga regular na biyahe ng North Main Line noong 1988, at tuluyang nagsara noong 1991 dahil ng pagputok ng Pinatubo. Timigil naman ang operasyon ng South Main Line noong 2014.

Noong kasikatan ng PNR, kilala noon bilang Manila Railway Company, tumatakbo ang mga tren nito sa 1,140 kilometro ng riles na nagsanga-sanga sa isla ng Luzon, lalo na sa gitnang Luzon.

Alam ba ninyo na ang unang linya ng tren sa Pilipinas ay itinayo noon 1887 panahon ng Kastila? Eto ang linya ng Manila-Dagupan ng Ferrocarril de Manila-Dagupan. Kung napanood ninyo ang mga sineng Heneral Luna at Goyo, napansin ninyo na sumakay sila ng tren sa pagpunta nila sa Dagupan.

Ang mga Package 3 at 4 ay nakatakdang tapusin sa 2024 at 2026, at ang buong PNR Bicol ay makukumpleto ang operasyon sa 2027.

Leave A Reply

Your email address will not be published.