Una sa Balita

Ang Arkong Bato ng Valenzuela

By
0 1,063

Arkong Bato? What’s that Pokemón??? Yun ba ‘yung “Kung ako’y muling iibig, sana’y ‘di maging katulad mo, tulad mo na may arkong bato….”

Puwera biro, sa araw na ito, 10:00 nang umaga, isang pampublikong konsultasyon ang magaganap sa Polo Park Covered Court sa Lungsod ng Valenzuela ukol sa pagsasaayos at pangangalaga ng tinatawag na “Arkong Bato”.

Kamakailan, ang lumang istruktura ay isinailalim sa pagsisiyasat ng eksperto sa pangangalaga ng pamana at historyador pang-arkitektura na si Arkitekto Gerard Lico at napag-alaman niyang hindi lamang rekonstruksyon ang kasalukuyang arkong bato. Ang bahaging ilalim nito ay orihinal na istruktura na lumang adobe, na binalutan at pinatungan ng kongkreto, kaya nga napakabigat at baka bumigay at magiba muli ang istruktura.

Tanong ng ibang Valenzuelano, “Bakit pa kailangang gastusan ng pamahalaan ang mga istruktura na ‘yan?”
Noong 1856, noong may panahon na pinagtatalunan pa kung saan ba ang hangganan ng mga bayan ng Polo (ngayo’y Valenzuela) at Malabon, ipinatayo ng Capitan Municipal ng Polo na si Don Mariano Velilla ang arkong bato na gawa sa adobe. Muli itong ipinaayos sa panahon ng mga Amerikano kaya naman nilagyan ito sa ibabaw ng 1910.

Sa magkabila ng arko, nakalagay ang pangalan “Bulacan” (dahil ang Polo ay dating bahagi ng lalawigang ito) at “Rizal” (para sa Malabon). Kumbaga isang mohon ito (mula sa Español na “mojón” o landmark o boundary marker na kadalasang nasa anyo ng poste, obelisk o arko) hindi lamang ng boundary kundi maging ng kasaysayan ng bayan.

Sa ibang lugar sa Pilipinas at maging sa ibang bansa, mara­ming mga mohon na katulad nito ang nawasak ng digmaan at kapabayaan at iyong mga natira ay tunay na pinahahalagahan at iniingatan dahil nagiging bahagi sila ng dangal o asset ng isang bayan “which makes it interesting” kumbaga.

Noong Pebrero 1975, nabangga ng isang trak ng graba at buhangin ang arko at sa sumunod na taon ay ipinaayos.

Dalawang administrasyon pa ang magpapatibay ng istruktura subalit sa bagong pag-aaral ni Arkitekto Lico, kailangan hindi lamang ang tamang pagsasaayos nito, kundi patibayin at pataasin pa upang paghandaan ang nakatakdang pagtataas ng kalsada ng Department of Public Works and Highways.

Ang Valenzuela ay isang makabagong lungsod pero kung anuman ang kanilang natitirang mga makasaysayang pamana, sana ay mapangalagaan dahil ang bayan na walang pagpapahalaga sa kanyang mga kayamanang pamana ay walang magiging saysay at walang tutuntungang dangal ang kanyang pag-unlad. Hindi lamang ito tungkulin nina Alklade Rex Gatchalian o maging ni Jonathan Balsamo at mga kasama sa Cultural Tourism and Development Office, ito ay pananagutan ng bawat isa na pahalagahan ang Arkong Bato upang maipamana ang ganda at kahalagahan nito sa susunod na henerasyon ng mga Valenzuelano.

Kaya mag-usap tayo. Dahil pag pinag-uusapan natin ang mga bagay-bagay, nagkakasaysay ito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy