Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Ang aking safe trip sa Siquijor at Negros Oriental

0 184

Patuloy lang ang trabaho namin sa Department of Tourism (DOT) para sa unti-unting pag-angat muli ng turismo sa bansa.

Nitong linggo, ang Central Visayas naman ang aking binisita para tingnan ang ilang tourist destinations na muling nagbukas para sa publiko. Nakipagpulong din kami sa pamahalaang lokal at panlalawigan para isaayos ang mga plano para maitaguyod muli ang turismo.

Una naming pinuntahan ang munting isla ng Siquijor. Maliit man ang probinsya, marami pa ring pwedeng gawin ang mga bumibisita dito. Kilala ang Siquijor bilang “Healing Island of Central Visayas” kaya hindi namin pinalampas ang pagkakataong magpunta sa isang local healer. Naranasan ko ang bolo-bolo o traditional healing ritual na ginagamitan ng baso ng tubig, bamboo straw, at black stone. Ang ritual na ito ay nakakatulong sa pagginhawa ng pakiramdam. Kasama rin sa mga sikat na tourist destination sa Siquijor ang Cambugahay Falls, Paliton Beach, at Mt. Bandilaan, kung saan ginaganap ang Healing Festival tuwing Holy Week.

Pinuntahan din namin ang 400-year old Enchanted Balete Tree na halos 20-talampakan ang taas. Mayroon ding natural na bukal na dumadaloy sa ilalim ng Balete Tree at ang tubig nito ay napupunta sa man-made fish foot spa na pwedeng subukan ng mga turista para makapag-relax.

Unang beses ko ring napuntahan ang San Isidro Labrador Parish Church na kilala din bilang Lazi Church. Itinayo noong 1884, ito ang pinakamatanda at pinakamalaking simbahan sa Siquijor. Mayroon din itong kumbento na gawa sa coral stones at kahoy. Dahil sa kakaiba nitong disenyo, idineklara ang Lazi Church bilang National Cultural Treasure ng National Museum of the Philippines at National Historical Landmark ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP).

Nagpapasalamat ako kay Gov. Zaldy Villa at kay Cong. Jake Villa sa kanyang suporta at kasabikang muling buksan ang Siquijor. Patuloy kaming makikipag-ugnayan para maisagawa ang mga proyektong makakatulong sa mga tourism stakeholder at mga mamamayan sa Siquijor. Kasama na dito ang promotional branding campaigns, funding para sa online version ng Healing Festival, at pagpapaganda ng tourism circuits na may kasamang farm, dive, at ecotourism sites.

Ang Negros Oriental naman ay kilala sa kanilang masasarap na pagkain at mga diving sites. marami talagang magagawa at madidiskubre nitong malawak na probinsya. Sa kinabukasan, pumunta kami sa Dumaguete at binisita naming ang kanilang public market na malinis, open-air at maaliwas. May mga nagbabantay dun at nagpaalala sa mga hindi naka face mask at face shield kaya kampante ako na mag-imbita ng tourista dito.

May isang lugar sa public market na ang tawag ay Painitan kung saang naghahain ang mga tindahan ng budbud at sikwate. Ang budbud ay malagkit na kanin na may halong cocoa. Ito’y nakabalot sa dahon ng saging at masarap pagsabayin sa hinog ng mangga. Isa pang bersyon nito ang budbud kabog na gawa sa millet imbes na malagkit na kanin. Ang sikwate naman ay gawa sa tablea na tinunaw sa mainit na tubig na may kasamang brown sugar.

Sa gabi ay nagbisikleta kami nina Dumaguete Mayor Felipe “Ipe” Antonio Remollo kasama ang kanyang mga konsehal. Matagal na nila pinaligsa ang pagsakay bisikleta bilang isang exercise para sa kalusugan. Nagpasalamat ako kay Mayor Ipe dahil pumayag siyang ibukas ang Dumaguete sa turismo, lalo na ito’y daanan ng mga turista upang mapuntahan ang iba’t-ibang lugar ng Negros Oriental. Sinisigurado ni Mayor Ipe na ipapatupad ng lokal na pamahalaan ang health and safety protocols sa lugar.

Dinala kami sa Sans Rival ni 2nd District Representative Manuel “Chiquiting” Sagarbarria, isang pasalubong center at masarap na kainan para maghapunan. Dahil kilala ang kanyang distrito sa diving, tutulong ang DOT sa pagtatag ng Hyperbaric Chamber na ginagamit ng mga divers para sa pagsasanay sa mga mababang presyon ng kapaligiran, at sa mga aksidente o sakit na dulot ng diving.

Sinamahan ko rin sina Gov. Roel Degamo, Dumaguete Mayor Ipe Remollo, at Dauin Mayor Galicano Truita para sa seremonya ng palihi para sa magandang kapalaran. Dito rin inihayad na magbubukas na ang lugar sa Marso para sa mga divers galing Luzon. Susuportahan ito ng DOT sa pagpalaganap ng kanilang diving sites tulad ng Apo Island. Magbibigay din kami ng access sa Visitor Information and Travel Assistance o VISITA platform sa tulong ng Tourism Promotions Board (TPB) para sa mas maayos na visitor management system.

Maraming maihahandog ang Siquijor at Negros Oriental sa mga turista. Kaya naman tuloy ang paghahatid namin ng tulong sa nga apektadong manggagawa sa turismo sa pamamagitan ng cash assistance program kasama ng Department of Labor and Employment (DOLE). Naway’s sa mga programang tulad nito at sa pagbubukas ng mga destinasyon para sa mga manlalakbay ay unti-unti nating makita ang progreso ng bansa pagdating sa turismo.

Hanggang sa muli, have a safe trip, Pinas!

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.