Una sa Balita

Ang aking New Year’s resolution

0 3,971

by Noel Cabangon

Tapos na naman ang isang taon at narito na ang 2019!

Parang hangin lang na dumaan ang mga araw at buwan. Halos ‘di natin namalayan dahil sa bilis ng mga mara­ming mga pangyayari.

Nagulat, natuwa at nagalit tayo. Nagkamot ng ulo, namroblema, napailing-iling ang ulo. Nagmura! Isinumpa ang pangyayari at kung sino. Ang kapitbahay, ang asawa, ang pangyayari, ang gobyerno, ang mga miyembro ng Gabinete, maging ang Presidente. Natauhan, nagsimba, nagpasalamat. Nagsisi at nangakong ‘di na uulit.

Kung kaya madalas din nating sinasabi na pagsapit ng Bagong Taon ay meron tayong mga New Year’s resolution.

Ano kaya ang mga gustong baguhin ng mga kachokaran natin dito sa kanto?
Sabi ni Kuya Rolly na jeepney driver, ‘di na daw siya masyadong mamamasada. Nagulat ako! Tinanong ko kung bakit. Sabi niya, “para ‘di na ako masyadong gumastos.” Gumastos? “Gumastos sa krudo, dahil sobra nang mahal!” Sagot ko, “natawa naman ako sa resolution mo, Kuya!”

Si Aleng Marina naman na tindera sa palengke ng Kamu­ning, sabi niya, “hindi na ako masyadong magkakanin.” “Wow, sabi ko. Magpapapayat ka ba?” Kung sabagay uso ngayon ‘yan. Sumabay ka sa mga millenial.” Ang sabi niya, “hindi!” “Sa sobrang mahal ng bigas nangako akong ebri ader dey na lang ako kakain ng kanin. Baka rin gumaling ang dyabetes ko!” dagdag pa niya.

Si Joel na isang manggagawa sa konstruksyon. Ayon sa kanya, “magsisimula na akong mag-jogging ngayong taon.” Sabi ko, “aba magandang resolusyon ‘yan! Magandang exercise at healthy ang gagawin mong ‘yan.” “May sakit ka ba?” dagdag na tanong ko. Aniya, “dahil sa sobrang bagsak na nang halaga ng piso, tumaas ang pamasahe, babawasan ko na ang pagsakay!” Sagot ko, “maganda ‘yan! Sana tularan ka ng iba.”

Kanya-kanyang pagtitipid at paraan para mabawasan ang gastos sa pang-araw-araw na buhay. Sa sobrang mahal na ng mga bilihin at malaking kabawasan nang halaga ng piso sino nga ba naman ang hindi mag-iisip nang pagtitipid?
Maging ang takal at rekado sa mga ulam sa karinderya ay nabawasan na. Ang dating maanghang na ulam ay nabawasan na ng anghang dahil sa mahal ng sili.

‘Yung dating si Mang Jess na halos buwan buwan ay nagpapagupit, ay magpapahaba na lang daw muna ng buhok, dahil nagmahal na ang pagpapagupit.

Dagdag din sa pagkain ‘yung matitipid sa pagpapagupit. “Isa pa, uso naman ang mahaba ang buhok. Parang rak star lang ang dating,” sabi pa niya.
Ako, ano nga ba?

Babawasan ko ang pag-inom dahil ngayong taon tataas na naman ang presyo ng inumin. Kahit pano healthy ang kabawasan ng alkohol sa katawan.
Kayo, ano ang inyong New Year’s resolution?

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More