Una sa Balita

Andrea-Seth, Francine-Kyle matindi ang bakbakan sa pelikula

0 481

BANTAY TELEMOVIE:

Ni Dondon Sermino

Young love at kilig ang bibida ngayong buwan sa iWant sa handog nitong dalawang original movies tampok ang “Kadenang Ginto” at The Gold Squad love teams nina Francine Diaz at Kyle Echarri, at Andrea Brillantes and Seth Fedelin na mapapanood back-to-back simula Nobyembre 23 at 27.

Bilang bahagi ng offerings ng iWant sa unang anibersaryo nito, magkaibang love stories ang pagbibidahan ng phenomenal love teams ng KyCine (Kyle at Francine) at SethDrea (Seth at Andrea). Bukod dito, magkakaroon din ng pagkakataon ang kanilang fans na magpasya kung alin sa dalawang pelikula ang unang mapapanood sa iWant sa pamamagitan ng pagboto sa isang Facebook poll na tatakbo mula Nobyembre 13 hanggang 22.

Sa “Silly Red Shoes” ng KyCine, magkaibigang magkakaroon ng mas malalim na pagtitinginan sina Chuck (Kyle) at Ashley (Francine). Sa kagustuhang mabuhay muli ang negosyong sapatusan ng kanyang pamilya, hihingin ni Chuck ang tulong ni Ashley na maging model ng ginawa niyang sapatos para sa isang contest. Ngunit dahil ikinakahiya ang mga paa niyang tila nagbabago ang size araw-araw, mahihirapan ang dalaga na magampanan ang pagiging model sa kabila ng pagbibigay ng lakas ng loob sa kanya ng sapaterong kaibigan.

Sa pagiging malapit ng dalawa, matutuklasan nila ang sikreto sa likod ng isang misteryosong pares ng pulang sapatos na nakapagtatakang kasya kay Ashley at magbabago sa kanyang buhay.

Sa “Wild Little Love” naman ng SethDrea, mapipilitang mag-aral sa isang public high school ang spoiled brat na si Sam (Andrea) bilang parusa. Mahihirapan siyang makisama sa bagong mundong ginagalawan, kaya’t tutulungan siya ng masipag na chick boy na si Jake (Seth) at tuturuan itong pahalagahan ang simpleng buhay.

Habang nahuhulog ang loob nila sa isa’t isa, mapapagtanto nilang isang malaking hadlang sa kanilang pag-iibigan ang magkaiba nilang estado sa buhay.

Ang “Silly Red Shoes,” na idinirek ni James Mayo at co-produced ng Dreamscape Entertainment at Spring Films, ay tampok din sina Anna Luna, Karen Reyes, at Herbert Bautista.

Idinirek naman ni Benedict Mique ang “Wild Little Love” na co-produced ng Dreamscape Entertainment at LoneWolf films. Kasama rin sa cast nito sina Carmina Villarroel, Alfred Vargas, Criza Taa, Jin Macapagal, at Victor Neri.

Ikaw ba ay Team Silly o Team Wild? Iboto na ang pelikulang una mong gustong mapanood sa espesyal na poll sa official Facebook page ng Dreamscape Entertainment (facebook.com/DreamscapePH) simula Nobyembre 13 (Miyerkules), 8 PM hanggang Nobyembre 22 (Biyernes), 10 PM.

Panoorin ang inaabangang mga pelikula ng The Gold Squad sa iWant app (iOs at Android) o sa iwant.ph simula Nobyembre 23 at 27.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy