Una sa Balita

Andanar iskwater sa nilulutong puwesto kay Roque

By
0 457

NAMEMELIGRONG malusaw ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) para ibalik ang Office of the Press Secretary (OPS).

Sinabi ni PCOO Secretary Martin Andanar na inialok ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Presidential Spokesman Harry Roque ang OPS sa halip na ituloy ang planong tumakbo sa pagka-senador.

Ayon kay Andanar, kailangan si Roque sa communications team dahil epektibo ito kaya kinakausap na manatili sa ehekutibo.

“Office of the Press secretary ‘yung iniaalok kay Secretary Roque. Importante kasi siya sa communications. Kinakausap namin kung puwedeng ipagpaliban ‘yung kanyang pagkandidato dahil kailangan siya sa Communications team,” ani Andanar.

Inihayag ng kalihim na handa niyang isakripisyo ang kanyang posisyon para manatili lamang si Secretary Roque.
Matatandaang inihayag ni Roque na pinag-iisipan niyang kumalas na sa gabinete ni Pangulong Duterte matapos na hindi magtugma ang inihayag nito at ng Pangulo kaugnay sa “day off” nito noong Miyerkoles na kalaunan ay inamin ng Presidente na nagtungo sa ospital para muling magpa-medical examination.

Hindi pa sigurado ni Andanar kung ano ang mangyayari sa kanyang tanggapan sa sanda­ling ibalik ng Pangulo ang Office of the Press ­Secretary.