Una sa Balita

Anak ni Loren kinuyog sa Mega Solar Franchise

0 1,091

KINONTRA ng grupo ng mga electric coo­perative sa bansa ang panukalang batas na magbibigay anila ng ‘national franchise’ sa solar company na pag-aari ng anak ni Senadora Loren Legarda na si Leandro Leviste.

Sa isang pahayag, sinabi ni Philippine Rural Electric Cooperatives Association (Philreca) president Presley de Jesus na labag sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) ang panukalang batas o House Bill No. 8015 na inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para bigyan ng prangkisa ang Solar Para Sa Bayan ni Le­viste.

Sa ilalim kasi anya ng panukala, bibigyan nito ng prangkisa ang solar company ni Le­viste para makapag-­operate sa buong bansa. Kaya nais anya ng naturang kompanya na makakuha ng prangkisa mula sa Kongreso dahil nabigo itong manalo sa mga bidding sa pamamagitan ng competitive selection process na itinatakda ng pamahalaan.

Nauna rito ay inihayag ni Leviste na may 200,000 mga Pilipino ang makikinabang sa kanilang mga proyekto sa mga lalawigan ng Mindoro, Palawan, Masbate, Cagayan at Aurora.

Pero binigyang-diin ni De Jesus na kung nais anya maging ma­laking ‘player’ sa power sector ang Solar Para Sa Bayan ay puwede itong lumahok sa pamamagitan ng Qualified Third Party Program ng Department of Energy.

May mekanismo na, ayon kay De Jesus, sa ilalim ng EPIRA na hindi na kinakailangan pa ang national franchise para ang mga interesadong kompanya ay pumasok sa electrification project sa mga lugar na wala pang suplay ng kuryente.