Una sa Balita

Anak ni Kabayan NOLI, mga nagbitiw na opisyal kapit-tuko sa DOT

By
0 8,274

SA kabila ng paghahain ng courtesy re­signation noong Mayo, hindi pa rin umaalis sa kani-kanilang tanggapan ang mga nagbitiw na undersecretary at assistant secretary ng Department of Tou­rism (DOT).

Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, hindi pa nag-aalsa balutan ang karamihan sa mga opisyal na nagsumite ng courtesy resignation noong nakaraang buwan.

Matatandaan na sa memorandum na inilabas ni DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat noong Mayo 15, inatasan niya ang mga undersecretary at assistant secretary na maghain ng courtesy resignation, maliban sa mga career official.

Sakop ng order ang mga undersecretary na sina Katherine de Castro, anak ni newscaster ‘Kabayan’ Noli de Castro; Rolando Cañizal, Alma Rita Jimenez at Marco Bautista.

Pinagbitiw din sa puwesto sina Assistant Secretary Eden Josephine David, Maria Lourdes Japson, Da­niel Angelo Mercado, Frederick Alegre at Reynaldo Ching.

“Nandu’n pa rin sila, pakalat-kalat. Ayaw pang hakutin ang mga gamit,” sambit ng impormante.

Dahil dito, hindi umano maisakatuparan ni Secretary Puyat ang mga pagbabago sa tanggapan dahil sa tila mga nagkakampong ‘resigned official’ ng ahensiya.

Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DOT si Puyat matapos sibakin ang dating kalihim na si Wanda Teo nang sumingaw ang P60 million deal sa programa ng kapatid na si Ben Tulfo sa People’s Television Network Inc.

Kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA) ang P60 mil­yong halaga ng ad placement ng DOT sa programang Kilos Pronta ni Ben Tulfo kung saan co-host din ang isa pang kapatid na si Erwin at Alex Santos.