Una sa Balita

Anak ni Kabayan Noli kapit-tuko sa DOT

By
0 7,556

INILAGAY sa floating status ang anak ni dating Vice President Manuel ‘Kabayan Noli’ de Castro Jr. na si Department of Tourism (DOT) Undersecretary Kat de Castro.

Kinumpirma ng mapagkakatiwalaang source ng Abante na itinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat si De Castro upang bigyang daan ang mga bagong upong opisyal sa kagawaran na napili nito.

Si DOT Undersecretary Benito ‘Bong’ Bengzon Jr. na nanilbihan ng 32-taon ang magsisilbing taga­pagsalita ng DOT sa hangaring mabago ang imahe ng departamento na naging sentro ng iskandalo at anomalya sa ilalim ng pamumuno ni dating DOT Secretary Wanda Tulfo-Teo.

“Maybe say ‘floa­ting’ kasi ‘di ba dati kitang-kita mo face niya. Ngayon wala na?” anang source patungkol kay De Castro.

Sa pagkasibak ni Undersecretary Ricky Alegre, itatalaga ni Romulo si Undersecretary Art Boncato bilang bahagi ng paglilinis sa departamento.

Nagkasama sina Romulo at Kabayan Noli sa ilalim ng administrasyong Arroyo kung kaya’t isa sa tinitimbang diumano ng kalihim kung paano dedesisyonan ang puwesto ng anak nito.

“Pina-lie low na. Hindi na pinapaharap sa media. Dapat mismong si Noli magsabi sa anak niya na umalis na lang, naiipit si Sec. Berna kasi kaibigan niya ‘yung tatay,” anang source.

Matatandaan na naging sentro rin ng iskandalo ang anak ni Kabayan Noli sa DOT matapos kumalat sa social media ang mga kuwento at larawan nito na kasama ang kanyang boyfriend sa mga event ng DOT.

May nagpaskil pa ng ‘open letter’ na kumuwestiyon kung boyfriend ba nito ang lalaking laging kasama sa mga lakad kahit sa mga official event diumano ng DOT.