Una sa Balita

Anak ni Kabayan, iba pang opisyal ng DOT iimbestigahan sa maluhong biyahe

By
0 865

NANGAKO si Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat na hindi niya lulubayang habulin ang mga opisyal ng kagawaran na responsable sa mga magarbong biyahe o junket at mga anomal­ya kahit nananatili pa sa posisyon ang iba.

Sinabi ni Puyat na pi­narerepaso niya sa Commission on Audit (COA) ang lahat ng transaksiyon sa kagawaran dahil mukha umanong napaikot ng sindikato ng Bids and Awards Committee si dating DOT Secretary Wanda Tulfo-Teo.

Sisilipin din maging­ ang ‘Bring Home A Friend’ project kaugnay sa labis na paglalakbay ng anak ni Kabayan Noli De Castro na si Undersecretary Katherine De Castro at ang project ma­nager at assistant nito na si Philip Evangelista.

Ang mga opisyal ng DOT at mga piling kawani ay naglalakbay diumano sa buong mundo at sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga magarbong pagbibiyahe na paglilibang lang dala pa ang kanilang mga kaibigan.

Si De Castro ay dati nang iniulat na bitbit ang kanyang band leader/boyfriend sa mga video shoot ng DOT at
nirerentahan ang banda upang magtanghal sa mga event kagawaran, kabilang ang mga konsiyerto sa Zamboanga at Davao upang parangalan ang mga ‘bayani’ sa Marawi dalawang buwan habang nasa kasagsagan ng kaguluhan sa nasabing lungsod.

Una na ring kinuwestiyon ang pagkaka­kilanlan ng mga tinawag na ‘bayani’ ng Marawi na ginawaran ng mga cash gift.
Kinuwestiyon din ang ‘exchange deal’ na kinasasangkutan ni Evangelista sa panahon ng Miss Universe hosting at ang pagbabayad kay Jonas Gaffus at mga kompanya sa advertising na McCann at EON.

Kinondena rin ang mga hotel accommodation para sa mga DOT staff sa panahon na may isinagawang event sa Maynila tulad ng Miss Universe pageant at World Strongest Man competition.