Una sa Balita

Anak ng QC ex-councilor natagpuang patay

By
0 2,308

Masusing iniimbestigahan ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang anak ni dating Quezon City Councilor Bong Suntay na natagpuang duguan at patay na nakaupo sa loob ng banyo noong Sabado ng hapon ng Sabado sa Quezon City.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng CIDU-QCPD, ang biktima na si Lorenzo Gabriel Guevarra Suntay, 20-an­yos, binata, anak ni dating QC Councilor Bong Suntay at residente ng No. 23-A Mariposa St., Brgy. Bagong Lipunan ng nasabing lungsod.

Si Lorenzo ay natagpuang patay, at duguang nakaupo sa loob ng kanilang banyo na nasa ikalawang palapag ng kanilang bahay, at may tama ng bala ng baril na ‘emporter perazzi USA shotgun’ sa ulo.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Marlon Dela Vega ng CIDU, dakong ala-una ng hapon (Abril 21) ay inutusan umano ni Jaime Suntay ang kanilang kasambahay na nakilalang si Emi­ly Pepito na tawagin na ang kanyang kapatid na si Lorenzo sa kanyang silid dahil hindi pa umano ito kumakain ng tanghalian.

Agad namang sumunod si Pepito at kinatok ang silid ng biktima subalit nang hindi sumagot ay binuksan na niya ang silid nito pero wala doon si Gabriel kaya hinanap niya ito.

Nang makita ng kasambahay na bahag­yang nakabukas ang pintuan ng banyo ay sinilip niya ito at la­king gulat niya nang bumungad sa kanya ang duguang katawan ni Lorenzo.

Agad na nagtatakbo si Pepito at tinawag si Jaime upang ipaalam ang insidente na agad namang inireport sa pulisya ng huli ang nangyari sa kanyang kapatid.

Nabatid na madalas umanong nililinis ng biktima ang kanyang baril kaya hinihinala ng pamilya nito na di-sinasadyang pumutok at natamaan sa ulo si Lorenzo.

Gayunman, masu­sing nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa naganap na insidente.

Nasamsam ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa lugar na pinangyarihan ng insidente ang isang emporter perazzi USA shotgun, na may lamang isang empty shell at ilang basyo ng bala sa tabi ng bangkay ng biktima.

Tumanggi pang magsalita ang pamilya ng biktima sa naturang insidente.