Una sa Balita

Anak ng electrician at manikurista, top 2 sa electrical engineering board exam

0 366

NAGING inspirasyon ng 21-anyos na si Gerald Mier isa sa mga nanguna sa electrical engineer board exam ang kanyang mga magulang.

Electrician ang ama at manikurista ang ina pero hindi naging hadlang ang kahirapan para maitaguyod ng kanyang mga magulang si Gerald.

Ang nais lamang ni Gerald ay makapasa at matupad ang pangarap niyang maging electrical engineer pero may mas maganda pa palang plano ang nakaabang para sa kanya.

Dahil bukod sa pagpasa sa Electrical Engineering Board Exam ay naging top 2 ito sa nasabing pagsusulit at nagtala ng rating na 92.05.

“Ang alam ko lang makakapasa ako pero ‘yung mag-top, hindi ko ini-expect kasi talagang mahirap ang exam,” ayon kay Gerald.

Ang kuwento ng pagpupunyagi ni Gerald ay ibinahagi sa Facebook ng nakatatanda niyang kapatid na babae ang naging karanasan ni Gerald bago pumasa sa board exam at maging ganap na electrical engineer.

“Nairaos ang review sa Manila na halos linggo-linggo nagte-text na barya na lang ang nasa wallet niya. Salamat at nadudugtungan naman ng pera, suweldo ng mga ate, at smart padala ni mama at papa,” ayon kay April Mier-Manjares.
Naging emosyonal ang mga magulang ni Gerald nang malaman na nakapasa ito sa board exam at naging top 2 pa.

Nalaman na si Gerald ay consistent dean’s lister at nagtapos bilang cum laude sa Bicol University.

Ayon kay Gerald, ang ama niya mismo ang inspirasyon para maging electrical engineer dahil bata pa lang siya ay isinasama na siya nito sa trabaho niya. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy