Una sa Balita

Anak ng brgy chairman timbog sa ₱340K shabu, baril

0 274

ARESTADO ng pinagsa­nib na puwersa ng National Capital Region Police Office, Special Weapons and Tactics at ng Philippine Drug Enforcement Agency ang anak ng isang barangay chairman na sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga, Biyernes nang madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Nabatid sa Manila Police District (MPD), ang suspek na si Benedict Cortez, alyas Jon-Jon at taga 2223-D, Molave St. Zone 21, Brgy. 228 Tondo, Maynila ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Carolina Sison, ng Branch 18 ng Manila RTC sa kasog iligal na droga, dakong alas-4:40 nang madaling-araw.

Ang suspek ay anak ni Brgy. 228 Chairman Ricardo Cortez, at isa umanong high value target ng pulisya.

Hindi naman tinanggi ng suspek ang mga nakuhang droga sa kanya pero aniya, “Hindi po ako nagbebenta at hindi po alam ng aking ama ito.”

Kabilang sa nakum­piska sa suspek ang may 4 plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng may 50 gramo at aabot sa P340,000 ang street value. Nasamsam din ang mga drug paraphernalia, isang 12 gauge shotgun rifle at 48 bala ng kalibre .40.

Sanhi ng panibagong ebidensiyang nakuha sa suspek, sasampahan pa ito ng panibagong kaso ng paglabag sa Sec 5 at 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o illegal possession of fire arms.

“‘Pag ikaw ay nasa posisyon sa gobyerno dapat ay hindi mo ginagamit ang iyong impluwensiya para gumawa ng iligal gayundin ang iyong mga kamag-anak. Patuloy tayong magsasagawa ng operation against those who are involved in illegal drugs particularly ‘yung kasama sa narcolist ng ating pamahalaan pati na rin ang kanilang mga kamag-anak at mga koneksyon,” sabi ni Ele­azar. (Juliet de Loza-Cudia/Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy