Una sa Balita

Ampatuan maasim pa

0 957

SA kabila ng siyam na taong pagkakakulong dahil sa umano’y pagiging utak sa karumal-dumal na Maguindanao Massacre noong 2009, ramdam pa rin umano ang angas at kapangyarihan ni dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan matapos itong payagan ng korte na makadalo sa kasal ng kanyang anak at makahalubilo ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan at kilalang personalidad sa lipunan.

Tatlong oras ding nakisaya ang dating gobernador sa espesyal na araw ng kanyang anak na si Bai Nur Aila sa kasala nito na idinaos sa Hotel Sofitel sa Pasay City.

Kabilang sa 30 pares ng mga ninong at ninang sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, Defense Secretary Jesus Dureza, Special Assistant to the President, Secretary Christopher ‘Bong’ Go, dating Vice President Jejomar Binay at anak nitong si Makati City Mayor Mar-Len Abigail Binay-Campos, Executive Secretary Salvador Medialdea at Sen. Sherwin Gatchalian.

Sa nasabing okasyon, wala umanong bakas sa itsura ng dating gobernador ang pagiging detenido nito habang masayang naglilibot at nakikipagkuwentuhan sa mga bisita ng kanilang pamilya.

Samantala, dinepensahan naman ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Senior Insp. Xavier Solda ang pagpapalabas kay Ampatuan dahil sa nakakuha umano ng court order ang dating gobernador para makadalo pansamantala sa kasal ng kanyang anak na ginanap sa Pasay City.

Nabatid na kasama ang mga escort ay lumabas sa piitan bandang alas-kuwatro nang hapon si Ampatuan ngunit bumalik naman agad bandang alas-siyete nang gabi.

Nauna rito’y binatikos ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang desisyon na pagbibigay ng furlough sa pangunahing salarin sa November 23, 2009 Ampatuan massacre sa Maguindanao.

Kinuwestiyon ng NUJP ang mga prosecutor sa kaso kung bakit pinayagan itong makalabas.

Magugunitang nakakulong si Ampatuan dahil sa 58 count ng murder na may kaugnayan sa 2009 Maguindanao massacre. Sa naturang karumal-dumal na krimen, mahigit sa 30 ang pinatay na mga media practitioner.

Todo paliwanag ang BJMP matapos na payagan na pansamantalang makalabas ng kulungan si dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan na inabot ng tatlong oras nitong nakalipas ng Martes nang gabi.