Una sa Balita

Aming Ina

0 337

Ho Chi Minh City, Vietnam—Habang isinusulat ko ito, nasa ikalima at huling araw na ako ng pagbisita dito sa lubhang abalang lungsod ng Vietnam. Kasama ko ang aking pamilya para mamasyal at bisitahin ang kapatid kong guro sa lungsod na ito ng mahigit walong milyong mamamayan, hindi pa kasama dito ang napakaraming dayuhang nagtratrabaho at nagne­negosyo sa mga kalapit na bayan at lungsod.

Maalinsangan din ngayon dito, tulad ng sa bansa natin. May ilang swimming pool kaming nakita na dinadayo ng marami para makapagpalamig. Maraming mabibiling kahalintulad ng halo-halo at ice cream na para labanan ang init. Sabi nga ng anak kong pitong taong gulang na unang beses lumabas ng bansa, parang na rin siyang nasa Pilipinas kung ang pagbabatayan ay ang klima.

Maunlad ang baha­ging ito ng Vietnam. Nasa kalapit na lalawigan at bayan ang mga pagawaan at pabrika, mga industriyang bumubuhay sa bansang ito na ilang dekada lamang ang lumipas, ay winasak ng digmaan. Pero nga­yon, ramdam na ramdam ang kaunlaran. Mag-ingat nga lang sa pagtawid sa daan kung bibisita kayo. Napakaraming rumaragasang motorsiklo.

Bilang Katoliko, nagsimba rin kami sa ipinagmamalaking Notre-Dame Cathedral Basilica ng Saigon. Isang lumang simbahang pinasinaya­an ng mga klerigong Pranses noong 1880. Na, sa hindi sinasad­yang pagkakataon, habang isinusulat ko ito, nasusunog naman ang orihinal na simbahan na kamukha ng narito sa Saigon, ang Notre Dame sa Paris.

Sa mga hindi nakakaalam, ang literal na salin sa Ingles ng katagang Notre Dame ay ‘Our Lady’ sa Ingles at ‘Nuestra Señora’ sa Español. Ginagamit ang mga katagang ito upang ipa­kilala ang Inang Maria sa pana­nampalatayang Katoliko. Sa Filipino, ang salin ay ‘Aming Ina’ kung kaya mayroong pananampalatayang namimintuho sa Aming Ina ng Laging Saklolo o Nuestra Señora del Perpetuo Socorro sa Español na Pur Lady of Perpetual Help sa Ingles.

Malungkot ang balitang pagkasunog ng makasaysayang simbahan sa Paris. Pero gaya ng marubdob na pana­nampalataya, naniniwala akong matatag na babangon ang simbahan.

Nagpapasalamat ako sa aking kapatid at ang kaniyang asawa, ang aking Ate Cecil at Ba­yaw David na propesor sa isang prominenteng unibersidad dito sa Ho Chi Minh, na nagsilbing host at tour guide sa mahaba-habang lakaran mula Sabado hanggang Lunes kung kailan naman holiday dito. Sa tinutuluyan nilang condo unit kami nanatili nang limang araw ng a­king asawa at dalawang anak pati na ang kapatid kong si Ditse Teresa.

Si Bayaw David ang kasa-kasama ko sa pag-inom ng malamig na serbesa o masarap na kapeng kilala sa bansang ito sa labas ng kanilang compound, pati na ang pagdayo sa mga kainan ng ph? at bánh mì na mga prominenteng delicacy dito sa Saigon.

Nagpapasalamat din ako kay Ma’am Maria Coloma ng Travel Specialist Ventures, isang magaling at masinop na travel and tours agency na matatagpuan sa Quezon City at Lucena City na nagbigay sa aming pamilya ng napakagandang offer para makapaglakbay sa bahaging ito ng rehiyong ASEAN.

Maligayang Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesukristo sa inyong lahat!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy