Una sa Balita

American Pedophile Timbog sa NAIA

By ,
0 2

Timbog pagkadating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang pinaghihinalaang American ­pedophile na nakatakda sanang maki­pagkita sa kanyang mga bibiktimahin sa Maynila na pa­wang mga menor-de-edad.

Kinilala ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Mo­rente ang dayuhan na si Robin Hoyt Alderman, 58, na naaresto sa NAIA Terminal 2 ng mga miyembro ng Border Control and Intelligence Unit (BCIU) ng BI sa pamumuno nina Intelligence Officers Erwin Ortanez at Bienvenido Castillo.

Nabatid na si Alderman ay sakay ng Philippine Airlines flight mula Ho Chi Minh City (Saigon), Vietnam nang siya ay harangin sa Immigration Arrival area ng nasabing paliparan.

Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang BI mula sa US Embassy hinggil sa biyahe ni Alderman sa Maynila at ang kanyang pakay na makipagkita umano sa mga menor-de-edad na kanyang kinausap sa pamamagitan ng internet habang ito ay nasa abroad pa.

“His conversations with the would-be victims allegedly suggested that Alderman was going to meet them when he comes here and have sexual intercourse with them,” ayon kay ­Morente.

Sanhi nito, naki­pag-ugnayan naman ang BI sa Women and Children Protection Center (WCPC) ng Philippine National Police (PNP) para sa pag-aresto sa ­dayuhan.

Agad na hinuli ng PNP-WCPC si Alderman at inilagay sa kanilang kustodiya bago dinala sa Camp Crame na isinasailalim ngayon sa imbestigasyon.

Bukod sa kakahara­ping kasong kriminal sa korte, si Alderman ay ipatatapon palabas ng bansa dahil sa pagiging undesirable alien.

Gayunman, nilinaw ng BI na ang dayuhan ay mapapaalis lamang kung mababasura ang kanyang kaso o kapag naha­tulan, kailangan munang tapusin ang kanyang sentensiya.