Una sa Balita

Ambisyosong politiko

By
0 947

Bago tumulak si PDU30 sa Kuala Lumpur, Malaysia para manood ng laban ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao, lumutang ang usapin ng ‘No elections scenario’.

Pinakamaingay na nagsusulong ay walang iba kundi si House Speaker Pantaleon Alvarez.

Ayon kay Alvarez, kung hindi susuportahan ng mga senador ang panukalang pagpapaliban ng ‘2019 midterm election,’ maaaring isagawa ang ‘People’s Initiative’ para maamyendahan ang Saligang Batas.

Ano ba ang problema ni Alvarez at ipinipilit na huwag matuloy ang eleksyon sa Mayo 2019 na itinatakda ng batas?

Natatakot ba siya na kahit mahalal na muli sa kanyang distrito ay hindi na muling maging house speaker?

Kung wala nga namang eleksyon, malaki ang tsansa na ‘holdover’ ang lahat ng mga re-eleksiyonista. ‘Status quo’ ang lahat, hindi magagalaw sa kanilang mga puwesto. Tuloy ang ligaya at mana­natiling hari sa kani-kanilang mga distrito.

***

Makasarili ang mga na nagsusulong na ipagpaliban ang eleksyon sa Mayo 2019.

Kung ang isa sa mithiin ng pederalismo ay ‘desentralisasyon,’ hindi ba kayang maganap ito sa kasalukuyang umiiral na Saligang Batas?
Ano naman ang masama kung ituloy ang eleksyon sa Mayo ng susunod na taon?

Related Posts

Maharlika

Bawat araw

Kung ang dahilan ng pagpapaliban ng eleksyon ay ang kawalan ng panahon ng mga kasalukuyang mambabatas para talakayin ang inaprubahang ‘draft federal charter,’ hindi ba kayang gawin ito ng mga bagong halal na mambabatas?

***

Mahirap bang sundin ang itinatakda ng 1987 Constitution?

Ayon nga kay Senador Panfilo Lacson, kung susundin lamang ang itinatakda ng Local Go­­vernment Code, hindi na kailangan pang amyendahan ang Konstitusyon.

Ang usapin ng ‘Charter change’ katulad sa mga nagdaang admi­nistrasyon ay naghati lamang sa sambayanan.

Ang binabanggit ni Alvarez na ‘People’s Initiative’ ay naging matingkad na usapin sa mga nagdaang admi­nistrasyon. Wala namang nangyari. Gumastos lang ang gobyerno. Pera ni Juan dela Cruz ang ginamit.

Kung ang sampung utos ng Diyos ay mahirap sundin ng mga tao, ano naman ang katiyakan na masusunod ang lahat ng nilalaman ng ‘draft federal charter’ na magbabago sa 1987 Constitution?

***

Sa kabila ng isinusulong na ‘No-el scenario,’ Sa isang sulok ng Palas­yo ay lumulutang naman ang ‘scenario’ ng pagpapatawag ng ‘transitory election.’ Matapos ang 2019 elections, magpapatawag raw si PDU30 ng ‘transitory election’ dahil ayaw ng tapusin ang termino.

Pinaghahandaan ito ng mga ambisyosong politiko.