Una sa Balita

Ama ng Local Government Code Nene Pimentel pumanaw na

0 329

SUMAKABILANG buhay na si dating Senate President Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr., isang mabangis na kritiko ng diktoryang Marcos, ayon sa pahayag ng pamilya nito kahapon. Siya ay 85-anyos.

“Our beloved Tatay Nene has joined his Creator at 5 a.m. today, Oct. 20, 2019. We thank all those who have been a part of his life. We ask for prayers for the repose of Tatay Nene’s soul,” pahayag ng kanyang anak na si Senator Koko Pimentel sa kanyang Twitter kahapon.

Pumanaw si Pimentel, senador sa loob ng 17-taon at founder ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) isang linggo matapos siyang ilagay sa Intensive Care Unit (ICU) noong Oktubre 14.

Ayon kay Sen. Koko, ang kanyang ama ay may lymphoma, isang uri ng kanser, na mablis kumalat sa kanyang katawan at mabilis naapektuhan ang kanyang mga organ.

“Tatay was sick with lymphoma which is a form of cancer. This spread throughout his body. Hence many organs were affected. In the end it was the heart which gave up,” sabi ng senador sa kanyang mensahe sa mga senate reporter.

Nagpasalamat naman ang maybahay ng dating Senate President na si Lourdes, sa publiko sa kanilang panalangin para sa kanyang asawa.

“Ako po ay nagpapasalamat sa lahat ng ating mga kababayan sa inyong dasal. Harinawa magdasal din tayo for his eternal rest. Marami pong sala­mat,” pahayag ng Ginang sa panayam sa DZMM.

Si ‘Tatay Nene’ ay ipinanganak noong Disyembre 11, 1933 mula sa angkan ng mga politiko sa Misamis Oriental.

Bilang batang abogado, nahalal siya bilang delegado ng kanyang lalawigan sa 1971 Constitutional Convention.

Tinutulan ni Pimentel ang panukalang pag-amiyenda ng Saligang Batas dahil taliwas aniya ito sa interes ng mamamayan at binatikos ang pagdeklara ni Marcos ng martial law noong 1972.

Si Pimentel ay author ng RA 7160 o Local Government Code of the Philippines na nagbibigay ng sapat na kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan.

Si Tatay Nene, karaniwang tawag ng nakakarami sa batikang mambabatas, ay naging senador mula 1987 hanggang 1992 at muli noong 1998 at 2010. Nagsilbi siyang Senate Minority Floor Leader mula 2001 hanggang 2002 at 2004 hanggang 2010.

Siya ay Senate Presidente mula 2000 hanggang 2001. Tinulungan din niya si dating Justice Hilario Davide Jr. sa pag-preside ng impeachment trial laban kay dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada. (Dindo Mati­ning/JC Cahinhinan)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy