Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Alyssa, Creamline babakuran korona

0 63

TATANGKAIN ng Creamline Cool Smashers na makuha ang back-to-back na kampeonato sa pangunguna ni Alyssa Valdez kontra sa mga malulupit na professional lady spikers ng bansa sa pagbabalik ng Premier Volleyball League sa Hulyo 9 na nakatakda ring daluhan ng dalawang foreign teams.

Makakasamang humataw ng 28-anyos na three-time UAAP MVP at 3-time PVL Conference MVP ang tinaguriang ‘three headed monster’ ng koponan na sina Tots Carlos at Jema Galanza, katulong sina Julia Morado-De Guzman, Jeanette Panaga, Risa Sato, Celine Domingo, Kyla Atienza, Kyle Negrito at Pau Soriano.

Nakatakda sanang ganapin ang bakbakan sa Hulyo 2, ngunit inurong ito sa panibagong petsa mula sa kahilingan na rin ng ibang mga koponan na magtatangkang agawin ang titulo ng pink-and-white colored squad tulad ng Open Conference runner-up PetroGazz, Cignal HD, Choco Mucho, Chery Tiggo, Army Black Mamba at PLDT.

Makikipaghatawan rin ang Kobe Shinwa Women’s University mula Japan at Taipei King Whales mula Taiwan sa semifinals.

Hindi na bago para sa Kobe Shinwa ang laro sa ‘Pinas nang minsan na nitong pagreynahan ang Invitational Cup ng Philippine SuperLiga noong 2017, habang ang Taipei Kings ay isa sa mga top team’s ng Taiwan Volleyball League.

Nauna nang nagpasabing hindi naman sasali ang F2 Logistics at BaliPure sa naturang kumpetisyon.

Lahat ng local teams ay sasabak sa single round eliminations, kung saan ang top-four ay aabante sa next round kasama ang Japan at Taiwan sa isa pang single round format semis.

Lahat ng koponan ay magbabase sa FIVB ranking system na ang top-four ay tatalon sa susunod na round.

“It is our continuing commitment to raise the level of local volleyball and the presence of the Japan and Taiwan squads will surely help toughen up the competition and improve the quality of play,” wika ni Sports Vision President Ricky Palou.

Gayunpaman, pansamantalang maaantala ang torneo upang magbigay-daan sa preparasyon ng national squad sa Asian Women’s Volleyball Cup 2022 sa Aug. 21-28 kaya mapuputol ang mga laro simula Hulyo 11 hanggang Agosto 20. (Gerard Arce)

Leave A Reply

Your email address will not be published.