Una sa Balita

Alvarez, secretary general pa rin ng PDP-Laban – Benitez

By
0 735

WALA pang galawan para patalsikin at palitan si dating House Speaker Pantaleon Alvarez bilang secretary general ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), ayon kay Negros Occidental Rep. Albee Benitez.

“There’s no move that I know of, walang ganu’n,” paghahayag ni Benitez sa pulong balitaan kahapon.

Binanggit ni Benitez na batay kay PDP-Laban Vice Chairman Alfonso Cusi, si Alvarez pa rin na ang nananatiling secretary general ng partido.

“So, as of now that has not been discussed although what I’ve heard from Secretary Cusi that Speaker Alvarez is still the secretary general of the party,” ayon kay Benitez.

Si Cusi ang kasalukuyang kalihim ng Department of Energy (DOE).

Matatandaan na noong nakaraang linggo ay iniluklok si dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo bilang House Speaker.

Umaabot sa 184 kongresista ang sumuporta kaya napatalsik si Alvarez na pinuno ng Kamara.

Miyembro rin ng PDP-Laban si SGMA pero hindi ito opisyal ng partido gaya ni Alvarez.

May mga ugong-ugong na papalitan ni SGMA si Alvarez bilang secretary general ng PDP-Laban.

Pero nilinaw ni Benitez na wala pang ganitong aksiyon sa ngayon.

“As of now walang request, walang movement, walang proposition to that effect. But come our meeting this Thursday (Agosto 2) we may be able to find out more,” ani Benitez.

Inihayag ni Benitez na gaganapin ang pulong ng partido sa Seda Hotel sa Quezon City.

Patungkol naman sa paglipat ng grupo ni Alvarez sa House Minority sinabi ni Benitez na depende na ito sa kapasyahan ng dating Speaker.

Sinabi ni Benitez na wala namang nalalabag sa partido kahit magdesisyon si Alvarez na maglipat-bakod.