Una sa Balita

Alternative Learning System sa buong bansa maisasakatuparan na

0 516

Sa wakas ay aprubado na po sa Senado sa pangatlo at pang wakas na pagbasa ang panukala ng inyong lingkod na maglulunsad ng Alternative Learning System Community Learning Center (ALS CLC).

Sa panukalang batas na Alternative Learning System (ALS) Act na iniakda ng inyong lingkod, mas marami nang mamamayan ang magkakaroon ng pagkakataong matapos ang kanilang pag-aaral kung bawat lungsod at munisipyo sa bansa ay may sariling ALS CLC.

Sa pangangasiwa ng Department of Education (DepEd), ang ALS ay isang programa na naglalayong bigyan ng libreng edukasyon ang mga indibidwal na hindi makapasok sa mga paaralan dahil sa kawalan ng kakayahang magbayad ng matrikula o ‘di kaya ay sa malalayo at liblib na lugar nanunuluyan. Kabilang dito ang mga persons with disabilities o mga may kapansanan, indigenous peoples (IPs), children in conflict with the law (CICLs), mga persons deprived of liberty, mga migrant workers at iba pang mga tinaguriang nasa laylayan ng lipunan.

Kumpara sa istruktura ng formal education, ang pagtuturo sa ilalim ng ALS ay kadalasang ginagawa sa mga komunidad gamit ang mga community learning centers at barangay multi-purpose halls.

Sa kasalukuyan, nagsisilbing malaking hamon ang ALS ngayong panahon ng pandemya habang naghahanda na ang mga paaralan sa muling pagbubukas ng klase.

Nilalatag na ng DepEd ang iba’t ibang pamamaraan ng pagtuturo sa ilalim ng tinatawag nating ‘new normal.’ Kabilang dito ang digital learning pati na ang paggamit ng traditional media platforms tulad ng radyo at telebisyon at iba pang mga tinatawag na low-tech at no-tech na mga pamamaraan. Pero kahit na sa no-tech na pamamaran na sistema tulad ng sistema ng ALS, inaasahang tutugunan nito ang pagbibigay ng tuloy-tuloy na edukasyon sa maraming mga estudyanteng hindi nakakapasok sa eskwela, may COVID-19 man o wala.

Mandato rin ng ALS ang palakasin ang Teacher Program nito upang tugunan ang kakulangan sa mga ALS teachers at facilitators. Naitala noong 2019 na mayroon lamang 10,214 na ALS learning facilitators, mobile teachers, District ALS coordinators at literacy volunteers. Kaya layon din ng gobyerno na punan ang pagkukulang na ito.

Sa pamamagitan ng ALS CLC, tiyak na mas madali nating maaabot at mabibigyan ng dekalidad na edukasyon ang bawat Pilipinong indibidwal na hindi pa nakakapagtapos ng pag-aaral. Hangad nating maisabatas na ito sa lalong madaling panahon. #

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More